Home NATIONWIDE P45M kagamitan ng ‘Chinese-backed’ illegal mine nakumpiska ng pulisya, MGB

P45M kagamitan ng ‘Chinese-backed’ illegal mine nakumpiska ng pulisya, MGB

1
0

MANILA, Philippines – Sinalakay ng mga awtoridad ang hinihinalang ilegal na operasyon ng pagmimina na nagpapanggap na quarry sa kabundukan ng lungsod bago mag-umaga nitong Biyernes, Nobyembre 6.

Kasabay nito ay nakumpiska ang mga kagamitang nagkakahalaga ng tinatayang P45 milyon.

Naganap ang pagsalakay dakong alas-4 ng madaling-araw sa Sitio Pin-as, Barangay Tuburan.

Anim na manggagawa ang inaresto habang isang menor de edad naman ang nasagip.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, pinangangasiwaan at pinopondohan umano ng isang Chinese national ang ilegal na operasyon.

Sa tulong ng mobile force at intelligence divisions ng regional police, kinumpiska ng Mines and Geosciences Bureau (MGB-10) ang 12 excavator, tatlong dump truck, dalawang trommel, dalawang tow truck, dalawang generator at isang crawler truck.

Ang mga naarestong manggagawa, na nasa edad 18 hanggang 43, ay nagmula sa Agusan del Sur, Davao de Oro, Davao City, Surigao del Norte at Dinagat Islands.

Bahagi ang operasyon ng pagpapatupad sa Philippine Mining Act of 1995 o Republic Act 7942, gayundin ng pagsugpo sa mga lumalabag sa umiiral na moratorium sa pagmimina sa ilang lugar sa karatig-bayan ng Opol at sa Iponan River network.

Ayon kay Police Regional Office-10 director Brig. Gen. Nestor Babagay Jr., layunin ng operasyon na pigilan ang pagkasira ng kalikasan dulot ng mga ilegal na aktibidad ng pagmimina.

Binigyang-diin ni Babagay na hindi kukunsintihin ng pulisya ang ilegal na pagmimina, lalo na kung nalalagay sa panganib ang kalikasan, mga daluyan ng tubig at kaligtasan ng mga komunidad.

Dagdag pa niya, patuloy silang makikipagtulungan sa mga ahensiyang pangkalikasan upang matukoy ang mga ilegal na minero na nagtatago sa likod ng mga legal na permit sa quarrying. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here