Home NATIONWIDE Spending program, revenue code top agenda sa unang BARMM Cabinet meeting

Spending program, revenue code top agenda sa unang BARMM Cabinet meeting

1
0

MANILA, Philippines – Nanguna sa agenda ng unang pagpupulong ng Bangsamoro Cabinet nitong Biyernes ang paghahanda ng 2027 expenditure program at mga pagbabago sa panukalang revenue code ng rehiyon.

Pinangunahan ni Chief Minister Abdulraof Macacua ang pulong kung saan binigyang-diin niya na hindi lamang sa mga nakamit na proyekto susukatin ang tagumpay ng regular na Bangsamoro Government kundi higit sa lahat, sa positibong pagbabagong maidudulot nito sa buhay ng mga mamamayan.

Tinalakay rin ng Gabinete ang mga prayoridad ng administrasyon sa unang 100 araw nito sa puwesto, gayundin ang pangkalahatang direksiyon ng pamamahala sa susunod na limang taon.

Ayon kay Budget Minister Ubaida Pacasem, magsisilbing pangunahing instrumento ang 2027 Bangsamoro Expenditure Program upang maisalin sa mga konkretong programa at serbisyo ang mga prayoridad sa pagpapaunlad ng bagong administrasyon.

Kabilang din sa mga unang isusulong ang mga panukalang reporma sa burukrasya ng rehiyon at iba pang hakbang upang palakasin ang operasyon ng pamahalaan at mapahusay ang paghahatid ng serbisyong publiko.

Binigyang-diin ni Pacasem ang kahalagahan ng maayos na patakarang piskal, responsableng pagbabadyet at mahusay na paggamit ng pondo ng bayan upang maisakatuparan ang mga layunin ng administrasyon.

Isa rin sa mga pangunahing tinalakay ang mga pagbabago sa panukalang Bangsamoro Revenue Code na nakabinbin sa interim Parliament mula pa noong Abril 2025.

Inaasahang ihahain muli ang panukala sa bagong Parliament.

Itinuturing na prayoridad na batas ang revenue code alinsunod sa Bangsamoro Organic Law, ang saligang batas ng rehiyonal na pamahalaan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here