MANILA, Philippines – Hinimok ni Education Secretary Sonny Angara ang mga kompanya ng teknolohiya at social media na palakasin ang age-verification measures at alisin ang mga online content na nagtataguyod ng karahasan, kasunod ng sunod-sunod na nakamamatay na pamamaril sa mga paaralan at tumitinding banta ng online radicalization sa mga kabataang mag-aaral.
Kasunod ito ng tatlong magkakahiwalay na insidente ng school shooting sa bansa sa loob lamang ng tatlong buwan. Kabilang dito ang San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo, Ateneo de Zamboanga University noong Agosto at Banga National High School sa South Cotabato noong Setyembre.
Bihira sa kasaysayan ng Pilipinas ang ganitong mga insidente kaya ikinababahala ito ng mga awtoridad at opisyal ng sektor ng edukasyon. Dahil dito, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensiya ng pamahalaan na palakasin ang seguridad sa mga paaralan at maghanap ng mga hakbang upang maiwasan ang kahalintulad na pag-atake.
Sa isang multisectoral forum tungkol sa pagpigil sa nihilistic violent extremism (NVE) sa University of Asia and the Pacific nitong Biyernes, sinabi ni Angara na inilantad ng mga pamamaril ang mga banta na hindi pa lubos na nauunawaan ng mga paaralan at opisyal ng edukasyon.
Aniya, unang niyang narinig ang tungkol sa NVE matapos ang unang insidente ng pamamaril, nang malaman niya ang tungkol sa mga grupong ang layunin ay magpalaganap ng karahasan at manghikayat ng mga tao na gumawa ng mga ekstremistang gawain.
Ipinaliwanag ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) na ang nihilistic violent extremism ay tumutukoy sa mga indibidwal o grupong nagtutulak ng karahasan dahil sa pagkamuhi sa lipunan at hangaring pabagsakin ito sa pamamagitan ng kaguluhan, pagkawasak at kawalang-katatagan.
Ayon sa ahensiya, sinasamantala ng mga grupong ito ang mga bulnerableng indibidwal, kabilang ang mga menor de edad, sa pamamagitan ng social media upang mahikayat silang gumawa ng karahasan.
Nagbabala si Angara na madaling nalalampasan ng mga bata ang kasalukuyang age restrictions sa online platforms sa pamamagitan lamang ng pagsasabing sila ay 18 taong gulang na, kaya nalalagay sila sa panganib na ma-recruit ng mga grupong ito.
“We need stronger safeguards against these types of groups. We need to protect our children online. We need to really have stricter firewalls,” ani Angara.
Inihayag din niya na nakipag-ugnayan na sa Department of Education (DepEd) ang ilang social media company, kabilang ang Meta at Roblox, upang talakayin ang pagpapalakas ng proteksiyon sa mga bata sa internet.
Bumuo na rin ang DepEd ng task force kasama ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) upang subaybayan ang mga umuusbong na banta.
Bukod sa online safeguards, muling sinusuri ng DepEd ang mga hakbang sa seguridad sa loob mismo ng mga paaralan.
Ayon kay Angara, mayroon nang mga security guard, closed-circuit television (CCTV) camera at bakod ang tatlong paaralang nakaranas ng pamamaril, ngunit hindi pa rin napigilan ang mga pag-atake.
Sa insidente sa Zamboanga, iniulat na nakapasok ang salarin sa paaralan sa pamamagitan ng rampa na nakalaan para sa persons with disabilities habang abala ang security guard sa pagtulong sa isa pang estudyante.
Inihayag din ni Angara na nakapagtala ang DepEd sa nakalipas na anim na buwan ng mga insidente kung saan nakapagdala ang mga estudyante ng kutsilyo sa paaralan sa pamamagitan ng pagtatago nito sa kanilang damit, sapatos at maging sa kanilang underwear.
Upang mapalakas ang seguridad, nakikipagtulungan ang DepEd sa Department of the Interior and Local Government (DILG) upang magtalaga ng mga opisyal ng barangay na tutulong sa pagbabantay sa pagpasok at paglabas ng mga estudyante.
Sinabi ni Angara na maraming paaralan ang walang security guard, lalo na ang mga paaralang may 100 o mas kaunting mag-aaral dahil sa maliit na populasyon ng mga ito.
Gayunman, binigyang-diin niyang hindi sapat ang pisikal na seguridad upang tuluyang maiwasan ang karahasan. Mahalaga rin aniya ang mas matibay na ugnayan sa pagitan ng mga estudyante, magulang at guro.
Pinalalawak ng DepEd ang Kaagapay Program upang hikayatin ang mga magulang na maging mas aktibo sa buhay ng kanilang mga anak, kabilang ang pagsubaybay sa paggamit ng social media at pagtukoy sa mga palatandaan ng bullying.
Pinalalakas din ang peer support sa pamamagitan ng My Buddy System at ang mga extracurricular activities tulad ng school clubs, scouting at sports upang magkaroon ang mga estudyante ng positibo at makabuluhang gawain.
Dagdag ni Angara, muling sinusuri ng kagawaran ang oras na inilalaan ng mga paaralan sa extracurricular activities, kabilang ang patakaran sa pagbibilang ng working hours ng mga guro upang kilalanin ang oras na ginugugol nila sa paggabay sa mga naturang programa. RNT/JGC