Home NATIONWIDE Bong Go nagpaabot ng tulong sa mga biktima ng sunog sa Muntinlupa;...

Bong Go nagpaabot ng tulong sa mga biktima ng sunog sa Muntinlupa; mas matibay na disaster preparedness at recovery support ipinanawagan

46
0

MANILA, Philippines – Namahagi ng tulong ang Malasakit Team ni Senator Christopher “Bong” Go sa 70 pamilyang naapektuhan ng sunog sa dalawang komunidad sa Muntinlupa City noong Biyernes, Nobyembre 6.

Isinagawa ang sabayang pamamahagi ng ayuda sa Southville Phase 3, Barangay Poblacion, kung saan 29 pamilya ang nakatanggap ng tulong, at sa Barangay Putatan na may 41 benepisyaryo.

Kabilang sa ipinamahagi ang pinansiyal na tulong, pagkain, bitamina, grocery packs, lalagyan ng tubig, damit, basketball, volleyball at pickleball.

Ayon kay Go, mahalagang maiparating agad ang tulong sa mga pamilyang nawalan ng tirahan at mahahalagang gamit dahil sa sunog. Hinikayat din niya ang mga biktima na unahin ang kanilang kaligtasan at manatiling matatag habang sinisimulan ang muling pagbangon.

“Ang gamit ay nabibili, ang pera ay kikitain, subalit ‘yung perang kikitain ay hindi po nabibili ang buhay. A lost life is a lost life forever,” ani Go.

Binigyang-diin ng senador na hindi dapat matapos sa agarang pamamahagi ng ayuda ang pagtugon ng pamahalaan sa mga kalamidad, kundi kailangan ding tiyakin ang tuloy-tuloy na suporta para sa pansamantalang matitirhan at pagpapalit ng mga nasirang kagamitan.

Kaugnay nito, inihain niya ang Senate Bill No. 415 o Rental Housing Subsidy Program Act na naglalayong magbigay ng subsidiya sa upa ng mga kwalipikadong informal settler at indibidwal na nawalan ng tirahan dahil sa kalamidad at iba pang emergency.

Isinusulong din ni Go ang pagpapalakas ng kakayahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa pamamagitan ng Republic Act No. 11589 o BFP Modernization Act, na kanyang pangunahing may-akda at kapwa may-akda.

Layunin ng batas na mapahusay ang kakayahan ng BFP sa pag-iwas at pag-apula ng sunog, pagsasagawa ng rescue operations at pagtugon sa mga emergency sa pamamagitan ng makabagong kagamitan, pagsasanay sa mga tauhan at pagpapalakas ng mga pasilidad.

Kabilang din sa kanyang mga inisyatiba ang Republic Act No. 12076 o Ligtas Pinoy Centers Act, na nag-aatas sa pagtatayo ng permanente at maayos na mga evacuation center sa mga lungsod at munisipalidad sa buong bansa.

Bukod dito, inihain niya ang Senate Bill No. 173 o Department of Disaster Resilience Act upang mapahusay ang koordinasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan sa paghahanda, pagtugon, rehabilitasyon at pagbangon mula sa mga kalamidad.

Muling tiniyak ni Go ang kanyang patuloy na suporta sa mga pamilyang nasalanta ng kalamidad at pagsusulong ng mga hakbang na magpapalakas sa kaligtasan, kahandaan at tulong sa mga apektadong komunidad.

“Tandaan natin, minsan lang tayo dadaan sa mundong ito. Kung ano pong kabutihan o tulong na puwede nating gawin sa ating kapwa ay gawin na po natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito,” pahayag ng senador. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here