MANILA, Philippines – Hindi na lang road-clearing ang haharapin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group Strike Force chief Gabriel Go.
Inatasan siya ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na imbestigahan ang mga ulat ng overcharging sa EDSA Busway.
“Andito si Chairman Greg, andito si incoming Assistant Secretary Gab. Pinapaimbestigahan ko na kanilang dalawa ‘yung overcharging,” ani Dizon.
Makikipagtulungan si Go kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Greg Pua sa imbestigasyon.
Una nang binanggit ni Dizon noong Nobyembre 4, sa kanyang inspeksyon sa Antipolo LRT station, na kinukuha niya si Go para sumali sa DOTr.
Hindi pa idinetalye ni Dizon kung anong departamento ang hahawakan ni Go kapag pormal na siyang umupo bilang Assistant Secretary.
“Incoming pa lang. Intayin natin. Basta sinubmit ko na ‘yung pangalan niya. Pero tumutulong na siya ngayon,” ani Dizon.
Napansin na si Go sa ilang aktibidad ng DOTr kasama si Dizon, senyales na nagsimula na siyang kumilos kahit hindi pa pormal ang appointment. Jocelyn Tabangcura-Domenden