Manila, Philippines – Kilalang komedyante at masayahing tao si Nikko Natividad.
Pero sa kabila nito ay may pinagdaraanan siyang laban sa kanyang mental health.
Sa isang Facebook post, ibinahagi niya ang larawan nila ng kanyang pamilya habang nago-grocery kalakip ng kanyang saloobin.
“Durug na durug ako sa loob,” panimula ni Nikko.
Pagpapatuloy niya, “Nakikita nyo lang ako sa social media na palaging masaya. Kasi yun ang gusto nyo makita sakin yung puro masaya at kalokohan lang kaya ang hirap din humarap sa tao kasi expect nila na lagi maayos ka.”
Pag-amin pa ni Nikko, malapit na siyang bumigay sa pinagdaraanan kahit na hindi pa niya diretsahang ikinukuwento kung ano ang kanyang dinaramdam.
“Pero sa totoo lang bibigay na ‘ko ‘yung tipong hawakan mo ko sa likod hahagulgul ako na parang bata. Hindi na para magkwento pa ako kung bakit,” sabi pa niya.
Sa kabila nito ay nagpapasalamat si Nikko sa Panginoon.
“Pero nagpapasalamat ako kasi alam ng Diyos kung ano talaga ang kailangan ko sa buhay at ‘yun ang pamilya ko,“ dagdag pa niya.
Nagbigay rin naman ng mensahe si Nikko sa mga taong tulad niya ay sumasabak rin sa hamon ng buhay.
“Sa mga kagaya ko na bumabagsak ang mental health at nawawala ang peace of mind, pray tayo at puntahan nyo yung taong alam nyong magpapagaan ng loob nyo,” sey pa ni Nikko. Rommel Placente