SA kabila ng lahat ng paninira kay Vice President Sara Duterte, sa loob man o labas ng Senate impeachment court, bakit kaya namamayagpag pa rin ito sa mga sarbey bilang kandidato laban sa ibang mga posibleng makakasagupa niya sa presidential elections sa 2028?
Isipin pang mahigit nang dalawang taong nilulublob siya sa “putikan” ng impeachment, kasama ang mga pagdinig na isinagawa sa Kamara at dalawang beses na pagsasampa ng impeachment laban sa kanya.
Lahat na rin ng baho umano ni VP Sara na pinasingaw ng prosekusyon ay naganap hanggang Oktubre 9, 2026 na pagtatapos ng presentasyon ng kanilang ebidensya at magpapatuloy pa hanggang matapos ang presentasyon ng ebidensya niya.
Isipin din na kasama ang Malakanyang sa paggiba kay VP Sara maging sa pamilya Duterte, gaya nina ex-President Digong, Davao City Mayor Baste at Atty. Mans Carpio na asawa ni VP Sara.
Noong Setyembre 17-24 sarbey ng Pulse Asia, napakalaki ang agwat ni VP Sara laban sa posible niyang mga katunggali sa halalang 2028.
Nakakuha si VP Sara ng 50% mula sa respondents na 2,400 may edad habang si ex-VP Leni Robredo ay 26%; Senador Raffy Tulfo – 12%; at Sen. Risa Hontiveros – 3%.
Sa OCTA Research sarbey naman noong Setyembre 28-Oktubre 4, 2026 na may 1,200 adults, nanguna pa rin si VP Sara sa botong 40% kumpara sa 33% para kay Robredo at dito sinasabing lumalakas na ang mga kalaban, partikular si Robredo na lumilitaw na nililigawan ng Malakanyang laban sa una.
Noong Oktubre 7-13, 2026, lumabas sa WR Numero survey na pumabor kay VP Sara ang 42% kumpara sa 16% lamang para kay Robredo, habang nakakuha lang si Sen. Raffy Tulfo ng 7%.
Ngayon, nagpapatuloy ang paninira kay VP Sara kahit panig na nito ang presentasyon ng ebidensya sa impeachment.
Magbabago kaya ang desisyon ng mga tao matapos nito?






