MANILA, Philippines – Umapela ang ASEAN National Organizing Council (NOC) sa mga grupong nagpaplanong magsagawa ng kilos-protesta na ipagpaliban muna ang kanilang mga pagkilos hanggang matapos ang 49th ASEAN Summit sa bansa ngayong Nobyembre.
Ayon kay retired Major General Potenciano Camba, deputy director general for operations ng ASEAN NOC, mas makabubuting isagawa ang mga demonstrasyon pagkatapos ng summit bilang paggalang sa mga dayuhang lider at delegasyong bibisita sa Pilipinas.
Sa isang panayam, kinilala ni Camba na bahagi ng demokrasya ang karapatan ng mga mamamayan na magprotesta.
Gayunman, hiniling niyang isaalang-alang ng mga raliyista ang pagho-host ng bansa sa malaking pandaigdigang pagtitipon.
“Sana maintindihan ng ating mga kababayan na tayo ay may bisita. Parang sa household level, kung may bisita ka, maghanda ka, respetuhin mo ‘yung bisita mo,” ani Camba.
Tiniyak naman ng opisyal na handa ang Philippine National Police (PNP) na pangasiwaan ang mga kilos-protesta upang mapanatili ang kaayusan at seguridad.
Samantala, nagsagawa ng demonstrasyon ang grupong Gabriela sa Kalaw Avenue sa Maynila nitong Lunes bilang pagtutol sa inaasahang pagbisita ni US President Donald Trump para sa ASEAN Summit.
Kabilang sa kanilang tinututulan ang US-led Pax Silica initiative na may kaugnayan sa semiconductor, artificial intelligence at critical minerals.
Kaugnay nito, magtatalaga ang PNP ng 19,869 pulis upang tiyakin ang seguridad ng mga dayuhang lider, delegado at publiko sa summit.
Magpapatupad din ng security exclusion zones sa paligid ng Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, kung saan lilimitahan ang pagpasok ng mga hindi awtorisadong tao at sasakyan. RNT