Home NATIONWIDE 300K natitirang wanted persons tutugisin ng PNP

300K natitirang wanted persons tutugisin ng PNP

1
0

MANILA, Philippines – Layon ng Philippine National Police (PNP) na pababain sa zero ang bilang ng mga wanted person sa database nito.

Nitong Martes, Nobyembre 10, ay inatasan ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang lahat ng regional police director na paigtingin ang implementasyon ng arrest warrant kasabay ng pagtunton ng pulisya sa 300,000 natitirang wanted persons.

Ang bilang ay mas mababa na ng 200,000 mula sa dating 500,000 wanted persons na naitala sa database ng PNP nang maupo si Nartatez sa pwesto noong Agosto 26, 2025.

Ayon sa PNP, may average itong mahigit 14,000 na matagumpay na pag-aresto kada buwan sa nakalipas na 14 na buwan.

“Every arrest brings us closer to ensuring that no warrant is neglected and that everyone is made accountable before the law,” saad sa pahayag ni Nartatez.

Noong nakaraang buwan lamang umano ay naaresto ang nasa 8,839 wanted persons sa buong bansa.

Sa nasabing bilang, 2,353 ang tinukoy bilang most wanted persons, habang 6,486 ang wanted persons.

Kabilang sa high-profile personalities na tinutugis pa rin ng pulisya ay sina dating Congressman Zaldy Co, businessman na si Atong Ang, dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag, mga suspek sa flood control scandal, at si Senador Ronald Dela Rosa.

Iginiit ni Nartatez na sakop ng kampanya ang lahat ng indibidwal na may standing arrest warrants anuman ang posisyon nito o antas sa lipunan.

Kumpiyansa naman ang PNP chief na mahahatid ang mga pugante sa mga korte.

“We will not be satisfied with reducing the backlog since our ultimate objective is to bring it down to zero,” aniya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here