MANILA, Philippines – Palalawakin ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang Japanese market ng produktong lokal ng ating magsasaka sa pamamagitan ng pagpapatibay ng trade relations ng Pilipinas at Japan.
Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan, chairman ng Senate committee on agriculture, food security and agrarian reform na maaaring magbukas ng bagong opurtunidad sa lokal na magsasaka ang matibay na trade partnership sa Japan.
“Ang mas matibay na trade partnership sa pagitan ng dalawang bansa ay maaaring magbukas ng mga bagong oportunidad para sa mga magsasakang Pilipino at lokal na prodyuser upang palaguin ang kanilang negosyo at pagbutihin ang kanilang kabuhayan,” giit ni Pangilinan.
Kasama si Pangilinan sa delegasyon ng Senado na nagtungo sa Japan sa pangunguna ni Senate President Sherwin Gatchalian, kasama sina Senador Erwin Tulfo at JV Ejercito na humingi ng zero tariffs sa produktong agrikultural ng Pilipinas tulad ng prutas, gulay, at iba pa na iniluluwas sa Japan.
Ibinahagi ang panukala sa panahon ng official parliamentary visit ng delegasyon ng Senado ng Pilipinas sa Japan, na kasabay ng pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng pagkakaibigan ng Pilipinas at Japan.
Sa pagbisita, binigyang-diin ng mambabatas na ang pagpapalawak ng agricultural exports ng bansa ay dapat sabayan ng pagsisikap na matiyak na makikinabang ang mga magsasakang Pilipino mula sa mga oportunidad sa pandaigdigang kalakalan.
“We cannot focus all our resources on being food producers alone. We also need to pour in all our efforts into opening bigger markets for our farmers so they can have better and bigger opportunities to improve their livelihoods, increase their incomes, and secure their and the country’s future,” pahayag niya.
Ipinaliwanag ni Pangilinan na ang mas malawak na access sa Japanese market ay maaaring humikayat ng mas maraming investments sa lokal na produksyon ng agrikultura, processing, at value-adding activities, na lilikha ng oportunidad hindi lamang para sa mga magsasaka kundi pati sa mga manggagawa at maliliit na negosyo sa kahabaan ng agricultural supply chain.
“Sa ganda at sagana ng ating mga produktong agrikultural, hindi dapat taga-supply lang ng pagkain dito sa ating bansa ang ating farmers at fisherfolk. Dapat maging kalahok din sila sa global food supply chain dahil world-class naman ang ating produkto tulad ng saging, mangga, pinya, kape, at marami pang iba,” giit niya.
Ngunit upang maging mas malakas na exporter ang Pilipinas ng dekalidad at competitive na produktong Pilipino, sinabi ng senador na kailangan ng mga magsasaka ang tuloy-tuloy na suporta ng gobyerno at mga trade policy na pabor sa kanila, tulad ng zero tariffs sa mga produktong Pilipino.
Ang mga iminungkahing tariff exemptions ay naglalayong sakupin ang mga produkto, kabilang ang ilang agricultural commodities, sa ilalim ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA).
Ang kasunduan ay nagbibigay ng pagbabawas o pagtanggal ng taripa sa mahigit 90 porsyento ng mga kalakal na ipinagpapalit sa pagitan ng dalawang bansa.
Ang delegasyon ng Senado, na pinangunahan ni Senate President Sherwin Gatchalian, ay nakipagpulong din sa mga opisyal ng gobyerno at parlamento ng Japan, kabilang si Prime Minister Sanae Takaichi, dating Prime Minister Fumio Kishida, at Japanese Senate President Masakazu Sekiguchi.
Kabilang sa pagbisita ang mga pakikipag-ugnayan sa Japan International Cooperation Agency (JICA), Japan-Philippines Parliamentary Friendship League, Japan-ASEAN Inter-Parliamentary Exchange Group, at iba pang institusyon upang palakasin ang bilateral cooperation. Ernie Reyes