Home TOP STORIES Joey Uy humihiling ng agarang SC ruling sa petisyon laban sa Comelec

Joey Uy humihiling ng agarang SC ruling sa petisyon laban sa Comelec

24
0

MANILA, Philippines — Hinihiling ni dating Manila councilor Luis “Joey” Chua Uy sa Korte Suprema na agarang resolbahin ang kanyang nakabinbing petisyon laban sa desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagpawalang-bisa sa kanyang pagkapanalo sa pagka-kongresista ng ika-6 na Distrito ng Maynila dahil sa usapin ng kanyang pagkamamamayang Filipino.

Sa panayam sa programang “On Point” ni Pinky Webb sa Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Uy na umaasa siyang agad na maglalabas ng desisyon ang pinakamataas na hukuman dahil apektado umano ang mga botanteng pumili sa kanya bilang kanilang kinatawan.

“Hopefully, sana ma-desisyonan kaagad ng Supreme Court. Kasi, actually, na-deprive yung constituents ko… talagang masama yung loob nila. Nagagalit sila ba’t ganun ang nangyari… Sabi ko, mayroon naman tayong appeal sa Supreme Court. May awa ang Diyos. Siyempre, mananaig pa rin yung tama,” ani Uy.

Nanguna si Uy sa halalan noong Mayo 12, 2025 matapos makakuha ng 64,746 boto, lamang ng 1,388 boto kay Bienvenido “Benny” Abante Jr. na nakakuha naman ng 63,358 boto.

Ipinroklama si Uy bilang nanalo noong Mayo 13, 2025 at nanumpa sa harap ni Manila Trial Court Executive Judge Carolina Icasiano-Sison noong Mayo 26, 2025.

Gayunman, kinuwestiyon ni Abante ang citizenship at kwalipikasyon ni Uy. Noong Hunyo 18, 2025, pinaboran ng Comelec Second Division ang petisyon ni Abante at pinawalang-bisa ang Certificate of Candidacy (COC) ni Uy. Pinagtibay naman ito ng Comelec en banc noong Hunyo 30, 2025 at iniutos ang proklamasyon kay Abante bilang nanalong kandidato.

Ayon sa abogado ni Uy na si Atty. Jordan Pizarras, nagkamali ang Comelec dahil wala na umano itong hurisdiksiyon upang dinggin ang reklamo na inihain lampas sa 25-araw na palugit sa ilalim ng Section 78 ng Omnibus Election Code.

Sinabi ni Pizarras na dahil naghain si Uy ng COC noong Oktubre 1, 2024, Oktubre 26, 2024 ang huling araw ng paghahain ng petisyon para kanselahin ito. Gayunman, Mayo 22, 2025 lamang inihain ni Abante ang kanyang reklamo.

Hindi naman ito ang naging interpretasyon ng Comelec en banc. Sa desisyon nito, sinabi ng poll body na ang petisyon ay hindi isang karaniwang Section 78 proceeding kundi nakabatay sa kapangyarihan nitong ipatupad ang konstitusyonal na kwalipikasyon para sa pagiging miyembro ng House of Representatives.

Dahil dito, iginiit ng Comelec na may kapangyarihan itong resolbahin ang usapin kahit naiproklama na ang kandidato.

Sa pagdepensa naman sa citizenship ni Uy, binanggit ni Pizarras ang desisyon ng Korte Suprema noong Hulyo 30, 1991 sa kasong Co v. Electoral Tribunal of the House of Representatives, na may kinalaman sa pagkamamamayan ni Jose Ong Jr., na nahalal bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Northern Samar noong 1987.

Sa naturang kaso, kinilala ng Korte Suprema ang pagiging natural-born Filipino ni Ong, na ipinanganak sa isang natural-born Filipina at Chinese father na naging naturalized Filipino citizen noong siyam na taong gulang pa lamang siya.

Ipinaliwanag ng Korte Suprema na dahil naging mamamayang Filipino na si Ong noong menor de edad pa siya, hindi na makatuwirang hingin sa kanya ang pormal na deklarasyon ng pagpili sa Filipino citizenship pagdating niya sa wastong edad.

Kinilala rin sa desisyon ang konsepto ng implied election, kung saan ang mga hayagang kilos at desisyon ng isang tao, gaya ng pagboto, pagpasok sa propesyong para lamang sa mga Filipino at paghawak ng pampublikong posisyon, ay maaaring magsilbing pagpapakita ng pagpili sa pagkamamamayang Filipino sa ilalim ng partikular na mga pangyayari.

Ayon kay Pizarras, may pagkakatulad ang sitwasyon ni Uy sa kaso ni Ong. Ipinanganak si Uy noong Marso 15, 1962 sa Santa Mesa, Maynila sa isang Filipina mother at Chinese father na naging naturalized Filipino noong 1967, nang limang taong gulang pa lamang siya.

Iginiit ng abogado na malinaw na ipinakita ni Uy ang kanyang pagpili at pagkilala sa sarili bilang Filipino sa pamamagitan ng kanyang mga naging kilos, pamumuhay at paglilingkod sa bansa.

Ipinanganak at lumaki si Uy sa Maynila, kung saan siya nag-aral, nag-asawa at nagtrabaho. Nagsilbi rin siyang konsehal ng lungsod sa loob ng ilang termino at naging kasapi ng Rotary Club, kung saan naging youth director siya sa loob ng limang magkakasunod na taon.

Noong Hunyo 30, 2025, naghain si Uy ng Ad Cautelam Petition for Certiorari and Prohibition sa Korte Suprema, na nakadokumento sa G.R. No. 280887.

Umaasa naman si Pizarras na agarang aaksyunan ng Korte Suprema ang kanilang petisyon upang mabigyan ng pagkakataong maipagtanggol ni Uy ang kanyang kwalipikasyon at mapakinggan ang kagustuhan ng mga botanteng sumuporta sa kanya.

Nananatiling nakabinbin sa Korte Suprema ang usapin, habang si Abante ang kinikilalang kinatawan ng ika-6 na Distrito ng Maynila kasunod ng desisyon ng Comelec. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here