Home NATIONWIDE Nakatenggang condo units, isasama ni Chiz sa pabahay program ng gobyerno

Nakatenggang condo units, isasama ni Chiz sa pabahay program ng gobyerno

4
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senador Francis “Chiz” Escudero na isama ang libu-libong hindi nabebentang condominium units sa pabahay na programa ng gobyerno upang magamit ang kasalukuyang imbentaryo ng real estate bilang bahagi ng mas malawak na mas abot-kaya at disenteng pabahay para sa Pilipino.

Binanggit ni Escudero ang panukala sa kanyang Chiz Wiz! podcast kamakailan, kung saan kasama niya si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Undersecretary Marisol Anenias at Colliers Philippines Research Director Joey Roi Bondoc.

Sa naturang podcast, binanggit ng naturang opisyal na tinatayang 80,000 ang bilang ng hindi nabebentang condominium units sa National Capital Region lamang, na marami dito na orihinal na inilaan para sa Philippine offshore gaming operator market.

Tinawag itong “housing paradox” ng beteranong mambabatas, at sinabing habang libu-libong condominium units ang nananatiling bakante, milyon-milyong Pilipino pa rin ang nahaharap sa housing backlog, na nagpapakita ng pangangailangang mas maayos na i-align ang umiiral na suplay ng pabahay sa pangangailangan at kakayahang pinansyal ng mga pamilya.

“Why build from scratch when there are already existing units that can be made available to our people?” aniya, at sinabing mas mabilis na magagamit ang available housing stock sa pamamagitan ng public-private collaboration.

Sinabi ni Escudero, na pawang chair ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement, na dapat tuklasin ng gobyerno at ng mga developer ang mga paraan upang maisama ang sobrang condominium inventory sa pinalawak na Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program upang mas maraming pamilya ang makakuha ng disenteng tirahan sa pamamagitan ng mga umiiral na residential units.

Ayon kay Anenias, pinapayagan na ng DHSUD ang mga developer na i-enroll ang sobrang housing inventory sa ilalim ng 4PH Program, bagama’t maaaring mangailangan ito na tanggapin ng mga developer ang mas mababang kita o sumalo ng pagkalugi.

“Housing is not simply a problem of supply. The bigger challenge is making homes affordable for ordinary Filipinos through financing terms they can realistically pay every month,” pahayag ni Escudero.

Hinimok ng senador mula sa Bicol ang mga policymakers na tuklasin ang mga paraan upang pababain ang buwanang gastos sa pabahay sa pamamagitan ng pinahusay na financing mechanisms, subsidies at mas mahabang repayment periods, habang palalawakin din ang abot-kayang rental housing options para sa mga pamilyang hindi pa kayang bumili ng bahay.

Sinabi ni Escudero na ang panukala ay naaayon sa mga legislative efforts na isinusulong ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement upang palawakin ang access sa pabahay at palakasin ang housing framework ng bansa.

Kabilang dito ang Senate Bill No. 1992, na naglalayong palakasin ang kakayahan ng gobyerno na bumili ng lupa para sa socialized housing at naipasa na sa ikatlong pagbasa sa Senado.

Kamakailan ay naghain din si Escudero ng Senate Bill No. 2571, na naglalayong palawakin ang compliance options para sa mga developer at palakasin ang mekanismo ng gobyerno sa paghahatid ng abot-kayang pabahay sa ilalim ng Urban Development and Housing Act of 1992.

Papayagan ng panukala ang mga developer na gawing accredited socialized housing units ang mga ready-for-occupancy units, basta’t natutugunan nito ang price ceilings at development standards ng DHSUD. Kapag na-accredit, ang mga unit ay maaaring i-credit sa umiiral o hinaharap na balanced housing obligations, na nag-aalok ng mas mabilis na paraan upang makapaghatid ng aktwal na tahanan.

Bukod sa produksyon ng pabahay, sinabi ni Escudero na dapat ding itaguyod ng gobyerno ang mga hakbang na naglalayong pababain ang kabuuang halaga ng pagmamay-ari ng bahay, hikayatin ang produktibong paggamit ng umiiral na housing inventory, at pagbutihin ang mass transit systems upang mas maraming Pilipino ang makatira sa labas ng mga pangunahing urban centers habang nananatili ang access sa mga oportunidad sa trabaho. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here