MANILA, Philippines — Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang language academy sa Angeles City, Pampanga, matapos matuklasan ang umano’y ilegal na pagre-recruit nito ng mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.
Kinilala ang establisimyento bilang Keynes Foreign Language Academy Co., na gumagamit din umano ng mga pangalang Keynes International Language & Visa Consultancy at Keynes Travel Agency & Visa Assistance.
Ayon sa DMW, nag-aalok ang kumpanya ng language training at visa assistance ngunit nagsasagawa rin umano ng recruitment activities kahit walang kaukulang lisensya.
Batay sa imbestigasyon, inirerefer umano ng establisimyento ang mga aplikante sa mga sinasabing partner recruitment agency at foreign employer.
Nagpapadala rin umano ito ng résumé ng mga aplikante at direktang nakikipag-ugnayan sa mga kumpanyang naghahanap ng manggagawa.
Kabilang sa mga trabahong iniaalok ang factory worker, nurse at caregiver sa Japan, South Korea at Germany.
Naniningil umano ang establisimyento ng ₱20,000 hanggang ₱30,000 para sa language courses depende sa bansang nais puntahan ng aplikante.
Sinabi ni DMW Assistant Secretary Jerome Alcantara na bahagi ang pagpapasara sa patuloy na kampanya ng ahensya laban sa illegal recruitment at pananamantala sa mga naghahangad magtrabaho sa ibang bansa.
Nahaharap naman sa posibleng kasong illegal recruitment ang mga opisyal at empleyadong mapatutunayang sangkot sa mga inirereklamong aktibidad.
Isasama rin sila sa DMW List of Persons and Entities with Derogatory Records.
Hinimok ng DMW ang mga posibleng nabiktima na makipag-ugnayan sa DMW Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Persons (AIRTIP) Facebook page o mag-email sa [email protected] upang makakuha ng legal na tulong.
Pinaalalahanan din ang publiko na tiyaking may lisensya mula sa DMW ang mga recruitment agency bago makipagtransaksiyon para sa trabaho sa ibang bansa. Dave Medina