MANILA, Philippines – Humingi ng pasensiya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa publiko na maaabala sa mga susunod na araw sanhi ng 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Sa Vlog ng Pangulo, sinabi nito na pansamantalang abala lamang naman ang mararanasan ng mga ito kapalit ng matatamasang benepisyo mga polisiyang mapagkakasunduan at sa mga trabahong malilikha.
“Bagama’t may kaunting maaabala nitong susunod na araw, pansamantala lamang ito, kaunting pasensya lang. Tiyak ko na mas matimbang pa rin ang mga benepisyong matatamasa natin mula sa mga polisiyang mapagkakasunduan at sa mga trabahong malilikha,” ayon sa Pangulo.
“Itong taon lamang na ito, dahil sa mga summit at related meetings na naganap sa buong bansa, bumuhos ang trabaho para sa ating mga local industries o MSME, mga maghahabi, mananahi, at mga designer na pinamalas ang kagandahan ng kasuotan natin, mga artista, mang-aawit, dancer, director at mga creative industry na bumubuo ng mga programa natin,” aniya pa rin.
Kasama na aniya ang buong produksyon, makeup artist, set designer, lighting at sound technician, writer, at maraming-marami pang iba. Ang mga culinary experts at local food manufacturers naman, dried mango man ‘yan, kornik o tsokolate.
“Ang ating mga hotel at hospitality establishment at lahat ng mga tauhang ito, ang ating mga transport provider at driver, napakaraming vehicle requirement ng ASEAN. Ang mga gumagawa ng mga tarpaulin at iba pang branding materials, at syempre, ang mga souvenir items na mula sa ating mga craftsmen na karamihan ay mga munting negosyo lamang. Sila ay talagang hinahanap at mektikulosong pinili para maipakita ang galing ng Pilipino,” litaniya ng Pangulo.
Nauna rito sinabi ng Panulo na lubos siyang nananabik na salubungin at tanggapin ang mga bisita mula sa iba’t ibang bansa na dadalo sa 49th ASEAN Summit.
“Napakahalaga ang pagtitipong ito, lalo na sa panahon ngayon. Marami tayong kinakaharap na hamon hindi lamang dito sa Pilipinas, kundi sa iba’t ibang panig ng mundo. Ramdam natin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at langis, ang paghina ng ekonomiya sa ilang bansa, at ang mga usapin sa seguridad,” ang pahayag ng Chief Executive.
Inamin ng Pangulo na marami sa mga problemang kanyang binanggit ay hindi kayang solusyunan ng gobyerno na mag-isa, kaya aniya napakahalaga ng ASEAN.
Ito aniya ang pagkakataon para sa mga bansa sa rehiyon na mag-usap, magkaunawaan, at magtulungan upang humanap ng mga solusyon sa mga problemang pare-parehong kinakaharap ng mga bansang kaanib ng ASEAN.
“At iba pa rin kapag personal na nagkikita ang mga leader. Mas malalim ang pag-uusap, mas napapalakas ang tiwala, at mas madaling magkasundo sa mga kongkretong hakbang. Bilang host ng 49th ASEAN Summit, mayroon din tayong napakalaking pagkakataon na manguna sa paghubog ng agenda at bigyang prayoridad ang mga usaping pinakamahalaga sa ating mga kababayan tulad ng presyo ng langis at pagkain, seguridad, agrikultura, trabaho at kabuhayan,” ang pahayag ng Pangulo.
“Tapos na rin ang paghahanda at naging madetalye ang preparasyon. Tiyak na bibida ang galing at pagiging malikhain ang Pilipino. Isang napakalaking karangalan ang mag-host ng ASEAN Summit kaya’t ito ay magandang pagkakataon para sa atin na ipakita, hindi lang sa Southeast Asia, kung hindi sa buong mundo, kung gaano kaganda ang ating bansa, kung gaano kahusay ang ating lahi,” aniya pa rin.
Tinuran pa ng Pangulo na kabilang din ang pagkakataon para sa turismo sa bansa na maengganyo ang mga bisita na bumalik at tuklasin pa ang Pilipinas.
“Sana pagbalik nila rito, ito ay para sa bakasyon na at dala-dala ang kanilang mga kaibigan at ang kanilang mga pamilya,” ang sinabi ng Pangulo.
Sa kabilang dako, sinabi ng Pangulo na ang ugnayan ng Pilipinas sa ASEAN ay napakahalagang haligi sa kalakalan, sa usaping seguridad, sa pagprotekta sa kapakanan ng mga mamamayang filipino, mga OFW, mga negosyante, at simpleng turista.
“Mas malalim pa sa pagiging visa-free natin sa mga ASEAN countries ang dalang benepisyo ng ugnayang ito. Lalong-lalo na sa panahong ito na marami tayong krisis na hinaharap mula sa pagtaas ng presyo ng langis, tapos ang ating mga security concerns, tapos itong parating na El Niño, ay kailangan buo ang paggalaw ng buong ASEAN. Kaya napakahalaga na magkaisa kami at makahanap kami ng mga plano at solusyon para matugunan ‘yang mga problemang ‘yan,” ang litaniya ng Punong Ehekutibo.
“Noong nag-inspeksyon ako, nakita ko naman napakaganda ang inyong mga naging produkto, yung mga ipapakain. Kaya tiyak ako na ito ay maaalala nila at ito ay magiging dahilan kung bakit sila ay babalik dito sa atin,” ang sinabi ng Pangulo.
Kaya ngayon aniya higit kailanman, kailangan ng gobyerno ang pakikiisa ng mga komunidad sa pagtanggap sa mga bisita. Tunghayan din aniya ang mga kaganapan at makibalita sa TV o social media.
“We should all be very, very proud. Lahat tayo ay bahagi nito at may maiambag sa matagumpay ng pagdaraos nitong 49th ASEAN Summit,” ang diing pahayag ng Pangulo. (KRIS JOSE)