MANILA, Philippines – Nag-iwan ng malaking pagbabago sa Bureau of Customs (BOC) si Commissioner Ariel F. Nepomuceno sa pagtatapos ng kanyang panunungkulan, tampok ang rekord na koleksiyon, malawakang operasyon kontra smuggling at mga repormang naglalayong gawing mas episyente at transparent ang ahensiya.
Sa kanyang pamumuno simula Hulyo 2025, itinulak ni Nepomuceno ang adhikaing Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) bilang pangunahing direksiyon ng BOC upang palakasin ang integridad, pananagutan at modernisasyon sa operasyon ng ahensiya.
Batay sa datos ng BOC, umabot sa ₱1.327 trilyon ang kabuuang nakolektang buwis at duties mula Hulyo 2025 hanggang Oktubre 2026 na malaking tulong sa pagpopondo ng mga programa, proyektong pang-imprastraktura at mahahalagang serbisyo ng pamahalaan.
Mula Enero hanggang Oktubre 2026, nakapagtala rin ang BOC ng ₱853.662 bilyong koleksiyon, na mas mataas ng ₱7.14 bilyon kumpara sa itinakdang target sa naturang panahon.
Bukod sa pagpapalakas ng koleksiyon, pinaigting din ng BOC ang kampanya laban sa smuggling at iba pang ilegal na kalakalan sa bansa.
Sa ilalim ng administrasyon ni Nepomuceno, nagsagawa ang ahensiya ng 1,452 enforcement at intelligence operations na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga ilegal at ipinuslit na produkto na nagkakahalaga ng ₱50.93 bilyon.
Kabilang sa mga operasyon ang pagsugpo sa pagpupuslit ng ilegal na droga, pekeng produkto, mapanganib na kalakal at iba pang kontrabando na nagbabanta sa kaligtasan ng publiko at seguridad ng bansa.
Isa rin sa mahahalagang repormang ipinatupad ni Nepomuceno ang pagpapalawig sa bisa ng accreditation ng mga importer, customs broker at exporter mula isang taon tungo sa tatlong taon.
Layunin nitong bawasan ang red tape, mapagaan ang mga kinakailangang dokumento at mapabilis ang proseso para sa mga lehitimong negosyante at stakeholder.
Pinalawak din ng BOC ang digitalization, pinasimple ang mga proseso at pinagtibay ang mga patakarang nagtataguyod ng transparency, propesyonalismo at pananagutan sa hanay ng mga kawani.
Sa kanyang pamamaalam, ibinahagi ni Nepomuceno sa mga tauhan ng ahensiya ang pagkilala sa mga naging tagumpay ng BOC, at iginiit na hindi niya makakamit ang mga ito kung wala ang kanilang suporta at dedikasyon.
“Dahil sa inyong commitment at pagsusumikap, marami tayong nagawa at mas naging matatag, iginagalang at nauunawaan ng publiko ang ating institusyon,” pahayag ni Nepomuceno.
Hinimok din niya ang mga tauhan ng BOC na bigyan ng kaparehong tiwala, kooperasyon at suporta ang susunod na mamumuno upang maipagpatuloy ang mga nasimulang reporma.
Ayon sa BOC, mananatiling bahagi ng direksiyon ng ahensiya ang mga pagbabagong ipinatupad sa ilalim ni Nepomuceno, kabilang ang pagpapalakas ng integridad, modernisasyon at mahusay na paglilingkod sa publiko. JAY Reyes