Home NATIONWIDE DOJ, naglunsad ng nationwide anti-scam awareness campaign

DOJ, naglunsad ng nationwide anti-scam awareness campaign

1
0

MANILA, Philippines – Naglunsad ang Department of Justice (DOJ), sa pamamagitan ng Office of Cybercrime (OOC), ng pambansang kampanya upang tulungan ang mga Pilipino na matukoy at maiwasan ang mga online scam.

“The fight against online scams is not just the government’s battle,” ani Justice Secretary Vida. “It is the fight of every bank, every telecommunications company, every school, every family, and every Filipino.”

Sinundan ang paglulunsad ng kampanya ng datos mula sa 2026 State of Scams in the Philippines report ng Global Anti-Scam Alliance (GASA), kung saan 84 porsiyento ng mga Pilipinong nasa hustong gulang ang nakaranas ng tangkang panloloko sa nakalipas na taon, mas mataas kumpara sa 77 porsiyento noong 2025.

Tinatayang 15 porsiyento naman ang nakaranas ng pagkalugi sa pera, na kadalasang may kaugnayan sa pagnanakaw ng personal na impormasyon.

Ibinahagi ni Vida ang mga kaso ng isang retiradong manggagawa na nawalan ng panghabambuhay na ipon dahil sa investment scam, isang overseas Filipino worker (OFW) na nagpadala ng pera sa scammer na nagpanggap na kapamilya, at isang young professional na nabiktima ng pekeng job offer.

“These are not merely financial losses. They represent broken trust, lost opportunities, and, in many cases, years of hard work taken away in a matter of minutes,” aniya.

Ayon kay Vida, kailangang palawakin ng DOJ ang tungkulin nito lampas sa pag-uusig sa mga sangkot sa krimen sa pamamagitan ng public awareness, cyber safety education at maagang pag-iwas sa mga scam.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor dahil maaaring masangkot sa isang scam ang mga telecommunications company, social media platform, institusyong pinansyal at mga kriminal mula sa ibang bansa.

“We want to turn the question ‘S.U.R.E. ka na ba?’ into a confident ‘S.U.R.E. na’,” dagdag ni Vida.

Patuloy ding pinapalakas ng DOJ ang paghahanda at pag-uusig sa mga kasong cybercrime, pangangalaga sa electronic evidence at pakikipagtulungan sa mga law enforcement agency sa ibang bansa.

Layunin naman ng kampanya na turuan ang publiko na makilala ang phishing, romance scam, mapanlinlang na investment scheme at banking fraud.

Pinuri ni Vida ang mga katuwang na ahensiya, kabilang ang Department of Trade and Industry, Bangko Sentral ng Pilipinas at National Telecommunications Commission, sa pagsuporta sa inisyatiba. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here