MANILA, Philippines – Umabot sa ₱4.509 bilyon ang mga transaksyon sa bangko na naitala sa mga account na kaugnay ni dating House Speaker Martin Romualdez mula Hunyo 2022 hanggang Setyembre 2025, ayon sa testimonya ng isang imbestigador ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa Sandiganbayan nitong Huwebes, Nobyembre 12.
Sinabi ni AMLC financial investigator Atty. Jan Mark Busa na kabilang ito sa dalawang panahong nakapagtala ng pinakamalalaking transaksyon sa mga account na kanilang sinuri.
Batay sa pagsusuri ng AMLC sa 1,951 financial transaction reports mula Abril 2003 hanggang Oktubre 2025, umabot din sa ₱3.98 bilyon ang mga transaksyon mula Abril 2003 hanggang Hunyo 2007.
Gayunman, sa cross-examination ng depensa, kinumpirma ni Busa na walang natukoy na ebidensyang direktang nag-uugnay sa ₱560.5 milyong pumasok sa mga account ni Romualdez noong kanyang speakership sa ilegal na aktibidad o maanomalyang flood control projects.
Wala rin umanong natunton na direktang paglilipat ng pondo mula sa mga contractor, Department of Public Works and Highways (DPWH), o dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Samantala, sa hiwalay na testimonya na iniulat ng ABS-CBN News, sinabi ni AMLC investigator Atty. McDonald Carsula na may ₱336.73 milyong inilipat mula sa limang bank account ni Romualdez patungo sa Braavos Holdings noong Oktubre 1, 2025.
Ang Braavos Holdings ay kumpanyang inuugnay kay Atty. Jose Raulito Paras, na idinadawit ng prosekusyon sa umano’y paggamit ng mga korporasyon upang ilipat ang pondong may kaugnayan sa alegadong katiwalian.
Nilinaw ni Carsula na hindi pa sapat ang naturang transaksyon upang matukoy ang layunin ng paglilipat ng pera.
Binigyang-diin naman ng prosekusyon na ang mga bank record na sinuri ng AMLC ay hindi kinakailangang sumasalamin sa mga umano’y cash delivery na bahagi ng kanilang alegasyon.
Nahaharap si Romualdez sa kasong plunder kaugnay ng umano’y ₱7.4 bilyong nakulimbat mula sa mga proyekto ng pamahalaan.
Nauna nang itinanggi ng kampo ni Romualdez ang mga paratang at iginiit na hindi pa napapatunayan ng korte ang kanyang pagkakasala.
Bahagi ang testimonya ng AMLC sa pagdinig ng Sandiganbayan sa petisyon ni Romualdez para makapagpiyansa. Santi Celario