Home HOME BANNER STORY Kwalipikasyon sa pagka-barangay captain, nais higpitan ni Remulla

Kwalipikasyon sa pagka-barangay captain, nais higpitan ni Remulla

1
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na repasuhin at higpitan ang mga kwalipikasyon ng mga kandidato sa pagka-barangay captain upang matiyak ang kanilang kakayahan at pananagutan sa pamamahala.

Sa kanyang talumpati sa 2026 Career Executive Service Lifelong Learning for Leadership Congress sa Manila Hotel noong Miyerkoles, Nobyembre 11, binigyang-diin ni Remulla ang kahalagahan ng mas mataas na pamantayan para sa mga opisyal ng barangay.

Batay sa Section 39 ng Local Government Code, maaaring tumakbong punong barangay ang isang Pilipinong hindi bababa sa 18 taong gulang, rehistradong botante, residente ng barangay nang hindi bababa sa isang taon, at marunong bumasa at sumulat.

Ayon kay Remulla, dapat pag-aralan kung sapat ang mga naturang kwalipikasyon, lalo’t ang mga barangay captain ay may responsibilidad sa pamamahala ng pondo ng bayan, pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan, at pagtugon sa mga pangangailangan ng kanilang nasasakupan.

Iginiit niyang kung mahigpit ang pamantayan sa pagpili ng mga career government official, nararapat ding magkaroon ng kaukulang pamantayan para sa mga namumuno sa pinakamaliit na yunit ng pamahalaan.

Gayunman, nilinaw ng Ombudsman na hindi niya minamaliit ang kakayahan ng mga kasalukuyang barangay captain, dahil marami sa kanila ang tapat at mahusay sa kanilang tungkulin.

Nais din niyang pag-aralan ang mga posibleng legal at institusyonal na hakbang upang matiyak na handa ang mga kandidato sa mga responsibilidad ng kanilang posisyon.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalatag na tiyak na bagong kwalipikasyon sa kanyang pinakahuling panawagan.

Samantala, nakatakda sa Nobyembre 2028 ang susunod na barangay at Sangguniang Kabataan elections sa ilalim ng Republic Act No. 12326, na kamakailan ay kinatigan ng Korte Suprema. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here