Home NATIONWIDE PNP tutuntinin ‘gang 1,500 Pinoy sa Myanmar scam hubs

PNP tutuntinin ‘gang 1,500 Pinoy sa Myanmar scam hubs

1
0

MANILA, Philippines – Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad sa ibang bansa kasunod ng mga ulat na nasa 900 hanggang 1,500 Pilipino ang umano’y nakakulong at napipilitang magtrabaho sa mga online scam hub sa Myanmar.

Ayon kay PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr., nakikipagtulungan na ang pulisya sa mga foreign law enforcement agency upang beripikahin ang mga ulat, matukoy ang kinaroroonan ng mga Pilipino, at mapag-aralan ang posibleng rescue operations.

Nag-ugat ang hakbang sa pahayag ni dating Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Director Winston Casio na may daan-daan pang Pilipinong maaaring naiipit sa mga scam compound sa Myanmar.

Gayunman, hindi pa kinukumpirma ng mga awtoridad ang eksaktong bilang ng mga Pilipinong umano’y pinipigilang makaalis sa naturang mga pasilidad.

Kasabay nito, patuloy ding tinutugis ng PNP ang mga indibidwal at grupong sangkot sa ilegal na recruitment ng mga Pilipino para sa mga online scam operation sa ibang bansa.

Nauna nang sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na 90 Pilipinong naipit sa Myanmar ang naiuwi sa bansa sa nakalipas na dalawang buwan.

Samantala, 51 Pilipino rin ang minomonitor ng DMW matapos silang makulong sa Cambodia dahil sa umano’y pagkakasangkot sa mga online scam operation.

Binigyang-diin ng DMW na mahalagang matukoy kung ang mga naturang Pilipino ay kusang lumahok sa ilegal na gawain o naging biktima ng human trafficking at sapilitang pagtatrabaho.

Pinayuhan din ng ahensya ang mga naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na tiyaking lisensyado ang recruitment agency at dumaan sa mga legal na proseso upang maiwasang mabiktima ng mga sindikatong nag-aalok ng pekeng trabaho.

Patuloy ang koordinasyon ng PNP, DMW at Department of Foreign Affairs (DFA) upang matukoy at matulungan ang mga Pilipinong posibleng biktima ng mga sindikato sa Myanmar. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here