MANILA, Philippines – Naghain ng resolusyon si Sen. Raffy Tulfo upang imbestigahan ng Senado ang panukalang ₱240 border fee ng Bureau of Immigration (BI) para sa mga Pilipinong bumibiyahe palabas ng bansa, kabilang ang overseas Filipino workers (OFWs).
Sa Senate Resolution No. 772, kinuwestiyon ni Tulfo ang karagdagang singil na posibleng makaapekto sa halos dalawang milyong Balik-Manggagawa o mga OFW na umuuwi sa Pilipinas para magbakasyon o mag-renew ng kontrata bago muling magtrabaho sa ibang bansa.
Layunin ng panukalang bayarin na pondohan ang ₱10.7 bilyong modernization project ng BI, kabilang ang paglalagay ng integrated border security system sa 11 paliparan at iba pang border crossing sa bansa.
Gayunman, iginiit ni Tulfo na hindi dapat maging dagdag-pasanin sa mga OFW ang pagpapahusay ng immigration system.
Ayon sa tanggapan ng senador, nilinaw ng BI na nasa yugto pa lamang ng negosasyon ang panukala at wala pang pinal na desisyon sa pagpapatupad nito.
Nangako rin ang ahensya na kokonsultahin ang Department of Migrant Workers (DMW) bago magpatupad ng anumang karagdagang singil.
Samantala, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na dapat manatiling exempted ang mga OFW sakaling matuloy ang panukala, katulad ng kanilang kasalukuyang exemption sa travel tax at terminal fees.
Nais ding humingi ni Tulfo ng paliwanag sa Department of Justice (DOJ) kung bakit hindi maaaring gamitin ang kasalukuyang modernization funds sa halip na magpataw ng panibagong bayarin sa mga biyahero.
Sa ngayon, wala pang pinal na desisyon ang BI kung ipatutupad ang ₱240 border fee. RNT