Home OPINION MAGBANTAY VS PANSARILING INTERES SA IMPEACHMENT

MAGBANTAY VS PANSARILING INTERES SA IMPEACHMENT

1
0

MAAARING hindi na aabot sa katapusan ng taong 2026 ang kasong impeachment ni Vice President Sara Duterte.

Pangunahing dahilan ang pagbabawas ng 90 testigo ng depensa at magiging 25 na lamang dahil na rin sa pag-atras ng prosekusyon ng kanilang tatlong kaso.

Ngunit hindi nangangahulugan ito ng pagbabawas ng tensyong pulitikal dahil na rin sa mabilis na pagdating ng halalang 2028…kung matutuloy.

Madeklarang guilty o hindi si VP Sara, ang matinding agawan sa kapangyarihan ay hindi basta titigil.

Kung madeklarang guilty si VP Sara, maaaring susunod na mamomroblema si Pangulong Bongbong Marcos dahil sa pagkilos na sibakin siya ng ilang grupo na ngayon pa lang, sa kabila ng pakikipag-alyansa niya sa mga ito laban kay VP Sara, hindi siya sasantuhin.

At hindi naman mawawala ang agawan sa kapangyarihan ng magkahiwalay na grupo na nagnanais na aangkin sa pamahalaan.

Kung hindi naman guilty si VP Sara, at least, tatlong grupo ang magiging sakit ng ulo ni Marcos at mamomroblema rin ang ibang mga grupong may layong pabagsakin sina Marcos at VP Sara.

Kaya magpapatuloy ang gulong pulitikal.

Kugnay nito, bibigyan natin ng kagyat na pansin ang kasong impeachment.

Batay sa kilos ng mga senador, mula sa umpisa ng paglilitis hanggang sa kasalukuyan, lumilitaw na hindi nakadepende sa ebidensya ang magiging batayan ng paghuhusga kundi higit na pansarili at pampulitikang interes.

At tila may nakabuo na ng mga pasya kahit noong simula pa lamang at gagamitin lang ang mga piling ebidensya na kunyaring mga batayan nila para masabing wala silang kinikilingan kundi katotohanan at katarungan lamang.

Ang pangunahing dapat bantayan ng mga mamamayan ay kung sino-sino sa mga senador-huwes ang magpapasya sa huli hindi sa pansarili at pampulitikang interes kundi sa interes o kapakanan ng buong bayan.

Esep-esep at bantay-bantay lang lahat alang-alang sa bayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here