MANILA, Philippines – Hindi lamang mga delegado ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang makikinabang sa special ASEAN lanes sa mga paliparan kundi maging ang mga regular na pasaherong dadaan sa immigration, ayon sa Bureau of Immigration (BI) nitong Biyernes.
Sinabi ni BI spokesperson Anisha Hadji Hassan na makatutulong ang mga espesyal na linya upang maging mas maayos at mabilis ang pagproseso sa mga delegado.
Layunin din nitong hindi maantala ang pagproseso sa mga regular na pasahero habang ginaganap ang ASEAN Summit.
Inaasahan ng BI ang pagdami ng mga pasahero habang papalapit ang summit na gaganapin sa Philippine International Convention Center sa Pasay City mula Nobyembre 15 hanggang 17.
Kabilang sa mga inaasahang darating sa bansa ang mga dignitaryo, opisyal na delegado, miyembro ng media at iba pang bisita.
Nakapaghanda na rin ang BI ng mga kinakailangang hakbang, kabilang ang pagdaragdag ng mga tauhan at pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya.
Nagpatupad na rin ang ahensya ng heightened alert status bilang paghahanda sa naturang pagtitipon. RNT/MDS