Home NATIONWIDE Mga bagong pinuno ng BOC, BIR at BCDA suportado ni PBBM; may...

Mga bagong pinuno ng BOC, BIR at BCDA suportado ni PBBM; may kanya-kanyang mandato

1
0

MANILA, Philippines – Nanumpa sa magkakahiwalay na seremonya sa Palasyo ng Malakanyang ang mga bagong pinuno ng Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bases Conversion and Development Authority (BCDA) bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng administrasyon sa mga reporma upang mapahusay ang serbisyo publiko, palakasin ang kahusayan ng pamahalaan, at matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino.

Sa harap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay nanumpa sa kani-kanilang mga bagong tungkulin sina Atty. Charlito Martin R. Mendoza bilang bagong BOC Commissioner, Atty. Rolando T. Ligon Jr. bilang BIR Commissioner at Ariel F. Nepomuceno bilang BCDA President at Chief Executive Officer.

Personal na binati ng Pangulo ang tatlong opisyal at nagpahayag ng tiwala sa kanilang kakayahan na pamunuan ang kani-kanilang ahensya, batay sa kanilang malawak na karanasan sa serbisyo publiko.

Sa nasabing seremonya, nagpasalamat si Mendoza sa Pangulo sa pagkakataong mamuno sa Bureau of Customs, kung saan sinabihan sya ng Pangulo na “We have best faith in you.”

Nagpahayag din ng suporta ang Pangulo kay Nepomuceno sa pagsisimula nito bilang pinuno ng BCDA. “You know the job so do the best that you can,” pahayag pa ng Pangulo.

Sa kabilang dako, sa panayam matapos ang seremonya ng panunumpa, winika ni Nepomuceno na nais ng Pangulo na higit na pagtuunan ng BCDA ang paghikayat ng mga bagong mamumuhunan at paglikha ng libo-libong trabaho para sa mga Pilipino.

“Malinaw ‘yung gustong mangyari ni Pangulong Bongbong Marcos na siguraduhing makakagawa tayo ng — of course, aspiration yan – ng libo-libong mga trabaho para sa ating mga mamamayan,” anito.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagsusulit sa natitirang panahon ng administrasyon upang makapaghatid ng konkretong resulta, partikular sa paglikha ng mga oportunidad sa trabaho at paghikayat sa mga negosyo na mamuhunan sa bansa.

Isa sa mga prayoridad ni Nepomuceno ang matiyak na makatatanggap ng sapat na suporta ang mga kasalukuyang negosyong nag-ooperate sa BCDA upang mapalawak pa ang kanilang operasyon.

Nangako rin siyang hihikayatin pa ang mga negosyante ng mga bagong investment sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Finance (DOF).

“We will be aligned in inviting investors, and we will make sure that we will be able to deliver what they need to make their businesses thrive,” aniya pa rin.

Sa panig naman ng bagong BCDA chief, nangako ito na ipagpapatuloy at palalawakin ang mga nasimulan ng kanyang predecessor na si Joshua Bingcang, kasabay ng pagpapatupad ng isang corporate approach sa pamamahala at pagpapaunlad ng mga economic zone.

Bago italaga sa BCDA, nagsilbi si Nepomuceno bilang BOC Commissioner. Pinamunuan din niya ang Office of Civil Defense at naging Executive Director ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Humawak din siya ng matataas na posisyon sa BOC at nagsilbing Executive Vice President at General Manager ng Food Terminal Incorporated noong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Samantala, si Mendoza, na may malawak na karanasan sa pangangasiwa ng kita ng pamahalaan at operasyon ng adwana ay nagsilbi na bilang BIR Commissioner at DOF Undersecretary for Revenue Operations.

Humawak din siya ng iba’t ibang posisyon sa BOC, kabilang ang Attorney V sa ilalim ng Revenue Collection Monitoring Group at Acting District Collector ng Port of Cebu.

Si Ligon naman, na dating DOF Undersecretary, ay may ilang dekadang karanasan sa pagbubuwis, pangangasiwa ng kita ng pamahalaan, at larangan ng batas. Nagsilbi rin siya noon sa BIR at BOC.

Nagtapos siya ng Juris Doctor degree sa Ateneo School of Law noong 1996 at nag-aral ng International Business, Trade, and Tax Law sa Harvard Law School noong 2001. Isa rin siyang Certified Public Accountant (CPA) at nagtapos ng kursong Accountancy sa De La Salle University.

Inaasahang makatutulong ang pagkakatalaga sa tatlong bagong pinuno ng mahahalagang ahensya ng pamahalaan sa pagpapatuloy ng mga reporma sa pangongolekta ng buwis at operasyon ng adwana, gayundin sa pagpapaunlad ng mga economic zone at proyektong pang-imprastraktura upang makahikayat ng mas maraming pamumuhunan, makalikha ng trabaho at mapalago ang ekonomiya ng bansa.

“Tamang tao, sa tamang posisyon,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sabay sabing “The President’s orders are clear: build the hubs, bring in the jobs, and keep reforming the agencies that collect the people’s money.” (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here