Home NATIONWIDE Higit P37.7M shabu, marijuana, expired na gamot, winasak ng PDEA

Higit P37.7M shabu, marijuana, expired na gamot, winasak ng PDEA

2
0

LEYTE, Philippines – Sinira ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Eastern Visayas ang mahigit 5.5 kilo ng mga mapanganib na droga na tinatayang nagkakahalaga ng P37.7 milyon sa isinagawang destruction activity noong Huwebes, Nobyembre 12, sa Heaven’s Gateway Chapel sa Campetik, Palo, Leyte.

Kasama sa mga winasak ang mga nakumpiskang ebidensya sa mga operasyon kontra droga at mga expired na gamot na sinunog sa isang cremation facility upang matiyak ang maayos at kumpletong pagtatapon sa mga ito.

Batay sa tala ng ahensya, kabilang sa mga winasak ang 5,544.6605 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P37,703,691.40; 5.5896 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng P670.75; at 42 ampoule ng expired na gamot na nagkakahalaga ng P10,929.24.

Umabot sa 5,550.2501 gramo ang kabuuang timbang ng mga mapanganib na drogang winasak, na may tinatayang halagang P37,704,362.15.

Kasama ang mga expired na gamot, umabot naman sa P37,715,291.392 ang kabuuang halaga ng lahat ng winasak na produkto.

Ayon kay PDEA Regional Director Levi Ortiz, bahagi ang aktibidad ng pagsisikap ng ahensya na matiyak ang wastong pagtatapon ng mga nakumpiskang droga at expired na gamot, alinsunod sa mga pamantayan ng transparency at accountability.

Binigyang-diin din niya ang patuloy na suporta ng PDEA sa kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga sa buong Eastern Visayas.

Layunin din ng pagsira sa mga nakumpiskang droga na maiwasang muling kumalat ang mga ito sa komunidad. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here