Home TOP STORIES Climate change, nagpalala sa mga wildfire sa Indonesia — mga siyentipiko

Climate change, nagpalala sa mga wildfire sa Indonesia — mga siyentipiko

1
0

MANILA, Philippines – Mas naging malala ang mga wildfire sa Indonesia mula Agosto hanggang Oktubre dahil sa matinding init na dulot ng climate change, ayon sa mga siyentipiko.

Batay sa ulat ng climate research group na World Weather Attribution, nagdagdag ng tinatayang 1.6 degrees Celsius na init ang climate change sa panahon ng sunog.

Bagama’t pangunahing dahilan ng matinding kakulangan sa ulan sa Indonesia ang napakalakas na El Niño, sinabi ng mga mananaliksik na hindi sana naganap sa ganitong tindi ang mga kondisyon ng panahon kung walang epekto ng climate change.

Ayon kay Theodore Keeping, wildfire at extreme weather researcher sa Imperial College London, patuloy na tumitindi ang mga kondisyon ng panahon na nagpapalala sa sunog.

Sinabi naman ni Pramudhian Firdaus, wildfire researcher sa University of Melbourne, na ang Setyembre 2026 ang ikalimang pinakatuyong Setyembre sa Indonesia mula noong 1991. Mas mababa sa normal ang pag-ulan sa 84 porsiyento ng bansa.

Nakapagdagdag din sa pagkalat ng sunog ang ilang dekada nang pagbabago sa paggamit ng lupa, kabilang ang malawakang pagkalbo ng kagubatan at pagpapatuyo sa mga peatland na madaling masunog upang bigyang-daan ang mga industriyal at agrikultural na gawain.

Ayon kay Firdaus, dahil sa mga pagbabagong ito, mas naging bulnerable sa sunog ang mga lupain sa Indonesia.

Batay naman sa datos ng independent geo-monitoring platform na Nusantara Atlas, halos 2.88 milyong ektarya ng lupain sa Indonesia ang naapektuhan ng sunog mula Enero hanggang Oktubre 2026. Halos isang milyong ektarya rito ang nadagdag noong Oktubre lamang.

Mas mataas ito nang 35 porsiyento kumpara sa lawak ng lupang napinsala ng sunog sa unang tatlong quarter ng 2019, na huling taon na nakaranas ang Indonesia ng matinding kondisyon ng super El Niño. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here