Home NATIONWIDE DepEd, kinalampag ni Gatchalian vs bullying, karahasan sa paaralan

DepEd, kinalampag ni Gatchalian vs bullying, karahasan sa paaralan

1
0

MANILA, Philippines – Matinding kinalampag ni Senate President Sherwin Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na mahigpit na magpatupad ng programa at polisiya hinggil sa pagsugpo ng bullying at karahasan sa paaralan.

Sa pahayag, binigyang-diin ni Gatchalian ang pangangailangang tiyakin ang ganap at epektibong pagpapatupad ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) at Values Education upang masugpo ang bullying at karahasan sa mag-aaral.

“Sa gitna ng maraming hakbang na ginagawa natin upang gawing mas ligtas ang ating mga paaralan, isa sa mga pinakamahalagang hakbang na maaari nating gawin ang paghubog sa magandang asal ng ating mga mag-aaral. Kaya mahalagang paghusayin natin ang pagtuturo ng GMRC at Values Education sa ating mga paaralan,” pahayag ni Gatchalian kasabay ng paggunita sa Filipino Values Month ngayong Nobyembre.

Binigyang-diin ng Pangulo ng Senado ang mahalagang papel ng GMRC at Values Education sa paghubog ng magandang asal ng mga mag-aaral at pagtugon sa mga insidente ng bullying at karahasan sa mga paaralan.

Sa ilalim ng GMRC and Values Education Act (Republic Act No. 11476), na ini-sponsor ni Gatchalian, itinuturo ang GMRC bilang hiwalay na subject mula Grade 1 hanggang Grade 6 6. Isinasama naman ito sa pang-araw-araw na learning activities ng mga mag-aaral sa Kindergarten.

Itinuturo naman ang Values Education bilang hiwalay na subject mula Grades 7 hanggang 10, habang isinasama ito sa pagtuturo ng iba’t ibang subject sa Grades 11 at 12.

Upang higit pang paigtingin ang mga hakbang laban sa bullying, iginiit din ni Gatchalian ang pangangailangang palakasin ang pakikilahok ng mga magulang sa pamamagitan ng Parent Effectiveness Service (PES) Program. Layunin nitong matiyak na naipagpapatuloy sa tahanan ang paghubog ng magandang asal at pagpapahalaga sa mga mag-aaral sa tulong ng kanilang mga magulang at guardians.

Si Gatchalian din ang may-akda ng Republic Act No. 11908, na nagtatag sa PES Program.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here