MANILA, Philippines – Sinabi ni Executive Secretary Ralph G. Recto sa mga lokal na opisyal ng Quezon na siguruhin na direktang mapapakinabangan ng mga mamamayan ang bilyun-bilyong pisong pondo, ayuda at proyektong inilaan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa programang Bawat Bayan Makikinabang, kasama si Governor Angelina “Helen” Tan at mga lokal na opisyal, binigyang-diin ni Recto na dapat makarating ang serbisyo ng gobyerno sa bawat barangay, nang walang pinipili o kinikilingang kulay ng pulitika.
“Kaya sa ating mga lokal na opisyal, mayor, at kapitan: alagaan natin ang tiwalang ibinigay sa atin. Unahin ang tunay na pangangailangan ng mga tao. Gamitin nang tama ang pondo. Sa pagbibigay ng serbisyo, walang pili-pili at walang kulay ng pulitika,” ang sinabi ni Recto.
“Pera ito ng bayan. Dapat maramdaman ng bayan ang pakinabang,” aniya pa rin.
May personal ding ugnayan si Recto sa Quezon dahil nagmula sa Tiaong at Tagkawayan ang bahagi ng kanyang pamilya. Apo siya ng dating senador na si Don Claro M. Recto.
Pinuri rin niya ang kasipagan at katatagan ng mga taga-Quezon, gayundin ang patuloy na pag-unlad ng lalawigan at karatig nitong Batangas.
Inihayag ni Recto na bawat barangay ay tatanggap ng P200,000 para sa mga proyektong pangkomunidad at scholarship grants.
Bukod sa pondo, mamamahagi rin ng mga kagamitang hiniling ng mga punong barangay, kabilang ang patrol vehicle, computer, laptop, printer, tent at upuan upang mapabilis ang paghahatid ng serbisyo.
Sa edukasyon, tinatayang aabot sa 6,045 ang Presidential Scholars sa buong Quezon. Kabilang dito ang 300 iskolar mula sa 168 barangay sa Lucban, Pagbilao, Sariaya at Tayabas na dumalo sa programa.
Habang mahigit 93,000 pamilya sa buong lalawigan ang saklaw ng libreng pamamahagi ng bigas, kabilang ang 2,000 benepisyaryo sa lugar ng programa.
Direktang binibili ang bigas mula sa mga magsasaka ng Quezon upang makatulong din sa kanilang kabuhayan.
Inaprubahan ni Pangulong Marcos kamakailan ang tig- P20 milyon para sa rehabilitasyon ng tulay sa Alabat at kalsada sa Polillo na nasira ng mga kalamidad.
May hiwalay ding P15 milyon para sa pagbangon ng sektor ng agrikultura.
Sa patubig, 35 bagong solar pump irrigation projects ang nakatakdang ipatayo, dagdag sa 19 na kasalukuyan nang gumagana. Sa kabuuan, magiging 54 ang mga proyektong patubig kapag natapos ang lahat ng nakaplano.
Sa serbisyong pangkalusugan, binisita ni Recto ang Quezon Medical Center, kung saan P149 milyon ang inilaan para sa mga bagong kagamitan sa emergency room.
Layunin nitong mapabuti ang agarang gamutan upang hindi na kailangang bumiyahe pa sa Metro Manila ang maraming pasyente.
Tiniyak din ni Recto ang mas malaking pondong nakalaan sa Quezon sa susunod na taon.
Mula sa halos P1.4 trilyong National Tax Allotment (NTA) para sa mga lokal na pamahalaan sa buong bansa sa 2027, nakatakdang tumanggap ang Quezon ng P28.65 bilyon.
Sa halagang ito, P12.50 bilyon ang para sa mga munisipalidad, P6.91 bilyon para sa pamahalaang panlalawigan, P6.33 bilyon para sa mga barangay at P2.90 bilyon para sa mga lungsod.
Binigyang-diin ni Recto na dapat magamit nang maayos ang pondo upang mas maraming pamilya ang makinabang sa mga programa at serbisyo ng pamahalaan.
“Iyan ang ibig sabihin ng Bawat Bayan Makikinabang: may tulong na umaabot sa barangay, may kabataang nakakapag-aral, may pamilyang may pagkain at may pasyenteng naaalagaan,” ang sinabi ni Recto. (KRIS JOSE)