MANILA, Philippines – Itinurn-over ng apat na mangingisda ang nasa 30.15 kilo ng hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng P159 milyon sa pulisya sa Aparri, Cagayan nitong Sabado, Nobyembre 14.
Ayon sa Cagayan provincial police director Police Col. Mardito Anguluan, ang package ay namataang palutang-lutang sa dalampasigan ng Barangay Sanja, Aparri West, bandang 10:30 ng umaga o 40 nautical miles sa boundary ng Fuga at Camiguin islands.
Nakalagay ang hinihinalang cocaine sa rectangular black package na may markings ng double G logo, isang bibig at isang dila.
Nasa loob nito ang 26 transparent plastic packs.
Rumesponde ang mga tauhan ng Aparri police, sa pangunguna ni officer-in-charge Police Maj. Vilmore Mallillin, sa lugar kasama ang mga miyembro ng Provincial Intelligence Unit–Provincial Drug Enforcement Unit at 2nd Cagayan Mobile Force Company.
Dito isinuko ng mga mangingisda ang mga nakuhang package.
Itinurn-over naman ito sa police crime laboratory para sa eksaminasyon at kumpirmasyon. RNT/JGC