Nagsagawa ng protesta ang mga miyembro ng women’s group na GABRIELA at mga kaalyadong organisasyon sa T.M. Kalaw Avenue sa Maynila noong Lunes, Nobyembre 9, laban sa nalalapit na pagbisita ni US President Donald Trump at sa panukalang Pax Silica initiative bago ang 49th
ASEAN Summit.Bitbit ang mga banner na nananawagan sa pag-alis ni Trump sa Pilipinas at sa pagtanggi sa Pax Silica, ang mga nagprotesta ay nagtaas ng mga alalahanin sa mga potensyal na banta sa mga lupaing ninuno, mga kabuhayang pang-agrikultura, at pambansang soberanya.Ang demonstrasyon ay bahagi ng isang serye ng mga protesta na binalak bago ang inaasahang pagdating ni Trump sa Nobyembre 16. ERIC OCAPAN
MANILA, Philippines- Hinimok ng Malakanyang ang mga estudyante na magpasa ng position paper at pag-usapan ang kanilang mga pangamba sa panukalang Pax Silica Economic Security Zone ng Estados Unidos.
Ayon sa Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, dapat idetalye sa position paper ang kanilang mga alalahanin upang ito ay mapag-usapan ‘point by point.’
“Mas nanaisin ng pamahalaan at administrasyon ni Pangulong Marcos Jr., kung sila ay may partikular na mga issues, mas magandang makipag-usap, ilahad ang kanilang mga naisin, gumawa ng anumang position paper, mga panawagan na maaaring idaan sa mas mahinahon na talakayan,” sinabi ni Castro sa press briefing.
“Dapat ito ay nakadetalye, dapat madinig sila ng Pangulo, ng administrasyon nang may detalyeng isyu para kung mayroon dapat na tugunan at dapat maresolba, dapat maayos,” dagdag pa niya.
Noong Biyernes, nagkasa ng campus walkout ang iba’t ibang grupo ng mga estudyante sa mga unibersidad bilang protesta sa pagdating ni US President Donald Trump sa bansa para sa 2026 ASEAN Summit at US-led Pax Silica initiative.
Ani Castro, batid ni Marcos ang mga ganitong kilos-protesta laban sa Pax Silica at inatasan ang mga awtoridad na panatilihin ang maximum tolerance. RNT/JGC