Home NATIONWIDE National AI Council, binuo ni PBBM para bantayan paggamit ng AI sa...

National AI Council, binuo ni PBBM para bantayan paggamit ng AI sa Pinas

1
0

MANILA, Philippines – Bumuo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng National Artificial Intelligence Council (NAIC) upang pangasiwaan ang ligtas, responsable at etikal na paggamit ng artificial intelligence (AI) sa Pilipinas.

Sa ilalim ng Executive Order No. 131 na nilagdaan noong Nobyembre 12, pinagtibay din ang AI Governance Framework na magsisilbing gabay ng pamahalaan sa pagbuo ng mga patakaran at regulasyon kaugnay ng teknolohiya.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, layunin nitong matiyak na ang pag-unlad ng AI ay may direktang pakinabang sa mga manggagawa, negosyo at komunidad.

“Kailangan tiyakin din na ang pag-unlad ng AI ay may konkretong pakinabang sa mga manggagawa, negosyo, komunidad at buong bansa,” ani Castro sa press briefing nitong Sabado, Nobyembre 14.

Pangungunahan ng Executive Secretary ang bagong konseho, habang magsisilbing vice chairperson ang kalihim ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDev).

Kabilang sa mga miyembro ang mga kinatawan mula sa DICT, DOST, DTI, DOF, DepEd, DOLE, DBM, CHED at TESDA, gayundin ang isang kinatawan ng pribadong sektor.

Tututukan ng konseho ang pagbuo ng mga pamantayan sa AI, pagpapalakas ng digital skills ng mga Pilipino, pananaliksik, imprastraktura at proteksyon sa mga sektor na maaaring maapektuhan ng teknolohiya.

Inatasan din ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na magtatag ng digital monitoring platform upang masubaybayan ang pagpapatupad ng AI Governance Framework.

Kailangang magsumite ang konseho ng ulat sa Pangulo sa loob ng 30 araw matapos ang bawat quarter, habang rerepasuhin ang framework nang hindi bababa sa isang beses kada dalawang taon.

Binigyang-diin ng Malacañang na hindi lamang pagsulong ng teknolohiya ang layunin ng kautusan kundi ang pagtiyak na mapakikinabangan ito ng publiko nang may sapat na proteksyon at pananagutan. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here