MANILA, Philippines – Lumagda ang Pilipinas at Australia sa bagong Defense Cooperation Arrangement (DCA) na magpapabilis sa koordinasyon ng kanilang mga puwersang militar at magpapalawak sa magkasanib na aktibidad sa seguridad at depensa.
Nilagdaan nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Australian Ambassador Marc Innes-Brown ang kasunduan nitong Linggo, Nobyembre 15, sa Eva Macapagal Cruise Terminal sa Manila South Harbor. Saksi sa seremonya si Australian Prime Minister Anthony Albanese.
Ayon sa Department of Defence ng Australia, magtatakda ang kasunduan ng mas malawak na balangkas para sa maritime security, information-sharing, strategic dialogue, pagpaplano, pagsasanay, interoperability at pagpapaunlad ng mga pasilidad pangdepensa.
Ipinaliwanag naman ni Teodoro sa panayam ng Philippine News Agency (PNA) na magsisilbi itong mekanismo upang mapabilis ang pagpapatupad ng umiiral na Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA) ng dalawang bansa.
Sa ilalim nito, inaasahang mapapabilis ang koordinasyon para sa magkasanib na maritime patrols, air at land activities, gayundin ang humanitarian assistance at disaster response operations.
Nilagdaan ang SOVFA noong 2007 at nagkabisa noong 2012. Ang bagong kasunduan naman ay nagmo-modernisa sa 1995 Memorandum of Understanding on Defense Cooperation ng Pilipinas at Australia.
Inaasahan din ni Teodoro na makatutulong ang kasunduan sa pagpapalakas ng kakayahan ng Pilipinas na pigilan ang mga banta sa mga lugar na saklaw ng hurisdiksiyon nito, kabilang ang West Philippine Sea.
Samantala, nilinaw ni Albanese na hindi nakatuon sa alinmang partikular na bansa ang kasunduan kundi sa pagsusulong ng soberanya, international law at kapayapaan sa rehiyon. Dave Medina