MANILA, Philippines – Hanggang alas-12 lamang ng hatinggabi ang operasyon ng mga bar, karaoke, spa, massage parlor, internet cafe at iba pang saklaw na negosyo sa Quezon City mula Nobyembre 15 hanggang 21, 2026.
Ito ay matapos lagdaan ni Mayor Joy Belmonte ang Executive Order No. 42 bilang bahagi ng pinaigting na seguridad para sa 49th ASEAN Summit.
Ayon sa Quezon City Government, sakop ng kautusan ang mga establisimyentong nasa ilalim ng SAFE Seal Ordinance ng lungsod.
Hindi naman sakop ng midnight closing requirement ang mga hotel, resort, motel, apartelle, tourist inn, pension house, homestay at condominium para sa kanilang accommodation operations.
Gayunman, kailangang magsara pagsapit ng hatinggabi ang mga restaurant, restobar, drinking lounge at katulad na negosyo sa loob ng mga naturang pasilidad.
Exempted din ang mga fast-food chain at convenience store na may 24-hour operations.
Bukod dito, inatasan ang mga saklaw na establisimyento na panatilihing gumagana ang kanilang CCTV systems at itago ang mga recording nang hindi bababa sa isang taon.
Pangungunahan ng Business Permits and Licensing Department ang pagpapatupad ng kautusan, katuwang ang Department of Public Order and Security at Quezon City Police District.
Hinimok naman ni Belmonte ang publiko na iulat sa mga awtoridad o QC Helpline 122 ang anumang kahina-hinala o kriminal na insidente. Santi Celario