USO talaga ang tago nang tago o TNT sa mga Pinoy.
Sa United States na may nasa 4.6 milyong Pinoy at libo-libo rito ang TNT at delikado na mapalayas sila sa ilalim ni Pangulong Donald Trump.
At may napalayas na nga na nasa 500 Pinoy habang may mga nagkusang lumayas upang hindi mademanda at makulong saka matatapon pa rin sa huli.
May ilan tayong kakilala na lumayas nang kusa at umuwi sa Pinas at ayon sa Department of Homeland Security ng US, umabot sa 2.2M dayuhan mula sa 13M TNT ang kusang lumayas.
Pangunahing kawalan o kakulangan ng ligal na dokumento para sa matagalang pagtira o paghahanapbuhay roon ang dahilan ng pagti-TNT.
Sa Pinas ngayon ginaganap ang ASEAN Summit na dinaluhan ng mahigit 10,000 dayuhan mula sa iba’t ibang panig ng mundo mula Nobyembre 15 hanggang Nobyembre 18.
Ngunit, gaya ng nakagawian natin tuwing dumadalo sa ganitong okasyon sa ibang mga bansa, marami ang naglalakwatsa pagkatapos at umaabot pa ng kung ilang araw.
Dito natin naaalaala ang mga pilit na itinatago ng gobyerno mula sa mata ng mga dayuhan, partikular ang mga iskwater o urban poor.
Sa totoo lang, hindi maitatago ang mga urban poor ng mga plywood at yero na pininturahan at pinaganda dahil alam na alam ng mga dayuhang ito ang pagti-TNT sa kanila ng gobyerno.
Naglaan ang gobyerno ng nasa P23 bilyon at bahagi rito ang pag-TNT sa mga urban poor.
Dito natin naiisip, may bahagi ba sa pondo para pang-ayuda sa mga nawalan ng hanapbuhay na pinagtatago?
Isa pa, ibibigay ba ang mga yero, plywood at iba pang pang-TNT sa mga itinagong Pinoy?
Alalahaning nagbabayad din ng buwis, karaniwang expanded value added tax, ang mga TNT at napunta sa P23B gastos sa ASEAN Summit.






