Home OPINION BUHAY NG PASAHERO AT PEDESTRIAN, PAREHONG MAHALAGA

BUHAY NG PASAHERO AT PEDESTRIAN, PAREHONG MAHALAGA

1
0

DAPAT na bang taasan ang death benefit sa CTPL (Compulsory Third Party Liability) ng mga sasakyan at ipantay sa PPAI (Personal Passenger Accident Insurance) sa pampublikong transportasyon?

Isipin natin ito: Isang pampasaherong bus ang nawalan ng preno at bumangga sa pader. Sampung pasahero ang nasawi. Samantala, apat na pedestrian ang nasagasaan. May makukuha bang benepisyo ang pamilya ng mga biktima? Oo, pero magkaiba ang coverage at halagang matatanggap.

Ang mga pasahero ay sakop ng All Risk No Fault PPAI. Apat na raang libong piso ang death benefit ng bawat nasawi, o P400,000 bawat isa.

Samantala, ang apat na pedestrian ay sakop ng CTPL, na may coverage na P200,000 kada aksidente. Dahil dito, kung hahatiin nang pantay ang halaga sa apat na biktima, P50,000 lamang ang matatanggap ng bawat isa.

Bakit ganoon? Pareho lamang namang buhay ang nawala!

Walang eksaktong katumbas na halaga sa pera ang buhay ng tao. Ang death benefit ay nakabatay sa insurance coverage. Ngunit bakit mas mataas ang benepisyo sa PPAI?

Ito ay dahil sa kontrata ng pasahero at operator ng pampublikong transportasyon. Nakasalalay sa operator at driver ang kaligtasan ng mga pasahero, kaya may obligasyong gumamit ng extraordinary diligence upang ligtas silang makarating sa kanilang destinasyon.

Sa third-party liability naman, walang kontrata sa pagitan ng pedestrian at driver. Ang batayan ng pananagutan ay quasi-delict, kung saan ordinary diligence ang pamantayan.

Mas mataas din ang premium sa PPAI kaysa TPL. Kadalasan, itinuturing lamang na rekisito ang TPL sa pagpaparehistro o renewal ng sasakyan, kaya maaari pang mahirapan ang mga biktima sa pagkuha ng benepisyo.

Gayunman, anoman ang ligal na pagkakaiba, pareho ang buhay na nawala—pasahero man o pedestrian.

Kaya mungkahi ng Lawyers for Commuters Safety and Protection na itaas ang death benefit sa TPL at gawing per person, hindi per accident, ang coverage. Maaaring tumaas ang premium, ngunit mas makabuluhang proteksyon naman ang matatanggap ng mga biktima.

Sa aksidente, hindi dapat maging batayan ng halaga ng benepisyo kung pasahero ka o pedestrian. BUHAY pa rin ang nawala.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here