MANILA, Philippines — Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkakalagda sa ASEAN Digital Economy Framework Agreement (DEFA), na itinuturing niyang isa sa mahahalagang tagumpay ng Pilipinas sa pamumuno nito sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayong 2026.
Sa press briefing sa Pasay City nitong Martes, Nobyembre 17, sinabi ng Pangulo na ilang buwang paghahanda at negosasyon ang pinagdaanan bago naisapinal ang kasunduan.
Nilagdaan ng mga economic minister ng 11 kasaping bansa ng ASEAN ang DEFA noong Nobyembre 14.
Layunin nitong gawing mas madali at ligtas ang digital trade sa Southeast Asia, kabilang ang online selling, cross-border payments, data protection at cybersecurity.
Inaasahan ding makikinabang dito ang maliliit na negosyo dahil sa mas malawak na oportunidad na makapagbenta ng kanilang produkto at serbisyo sa ibang bansa sa rehiyon.
Ayon kay Marcos, naging mahalaga ang kooperasyon ng mga bansang kasapi upang matapos ang kasunduan sa panahon ng pamumuno ng Pilipinas.
Samantala, sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na nakikipag-ugnayan na ito sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kaugnay ng pagpapatupad ng digital at cross-border payment provisions ng DEFA.
Target na simulan ang pagpapatupad ng kasunduan sa 2027, habang inihahanda pa ang mga kinakailangang hakbang sa antas ng bawat bansang kasapi.