Home NATIONWIDE Walang Gutom Kitchen ng DSWD, bukas pa rin sa panahon ng ASEAN...

Walang Gutom Kitchen ng DSWD, bukas pa rin sa panahon ng ASEAN Summit

1
0

MANILA, Philippines – Patuloy na naghahain ng libre, masustansya at bagong lutong pagkain ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng Walang Gutom Kitchen (WGK), na nananatiling bukas mula Nobyembre 16 hanggang 18 sa kabila ng pagho-host ng Pilipinas sa 2026 ASEAN Summit.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary at tagapagsalita Irene Dumlao, bukas ang lahat ng Walang Gutom Kitchen, kabilang ang pasilidad sa Pasay City, upang matiyak na hindi magugutom ang mga umaasa sa kanilang serbisyo.

Tiniyak ni Dumlao na magpapatuloy ang paghahain ng almusal at tanghalian mula alas-6 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon sa loob ng tatlong araw na summit.

“Again, hindi po hihinto ang ating paghahatid ng serbisyo sa mga kaganapan. Tuloy-tuloy po ang operasyon ng Walang Gutom Kitchen upang matiyak na may libreng masustansya at masarap na almusal at pananghalian ang ating mga kababayan,” sabi ni Dumlao.

Dagdag pa niya, utos nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at DSWD Secretary Rex Gatchalian na walang maiiwan sa paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan, anuman ang mga aktibidad na isinasagawa sa bansa.

May apat na Walang Gutom Kitchen na kasalukuyang pinatatakbo ang DSWD sa Pasay City, Mandaue City sa Cebu, Zamboanga City at Catbalogan City sa Samar.

Target din ng ahensya na magtayo pa ng karagdagang soup kitchen, lalo na sa mga lugar na mataas ang bilang ng mga nakararanas ng hindi sinasadyang gutom.

Ang WGK ay programa ng pamahalaan na nagbibigay ng libreng mainit na pagkain sa mga pamilyang nasa lansangan at iba pang indibidwal na nakararanas ng gutom, habang tumutulong din na mabawasan ang food waste. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here