MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga Pilipinong naghahangad magtrabaho sa ibang bansa na huwag magtiwala sa mga recruiter na nangangakong may trabaho silang makukuha gamit lamang ang tourist visa o visa-free entry.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac nitong Miyerkules, Nobyembre 18, kailangang may lehitimong work visa at kumpletong employment documents ang mga aplikante bago umalis ng Pilipinas upang magtrabaho sa ibang bansa.
Partikular na binalaan ni Cacdac ang mga naghahanap ng trabaho sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), kung saan pinapayagan ang visa-free entry para sa panandaliang pagbisita ngunit hindi para sa pagtatrabaho.
Aniya, may mga mapanlinlang na recruiter na hinihikayat ang mga aplikanteng bumiyahe muna bilang turista bago umano sila hanapan ng trabaho.
Sa ilang pagkakataon, hinihintay pa ng mga recruiter na malapit nang matapos ang pinapayagang pananatili ng turista bago mag-alok ng kontrata, dahilan upang mapilitang pumayag ang aplikante kahit hindi malinaw ang mga kondisyon ng trabaho.
Babala ng DMW, maaari itong humantong sa ilegal na pagtatrabaho at pagsasamantala, lalo na kung hindi malinaw ang sahod, oras ng trabaho, overtime pay at rest days.
Pinag-iingat din ng ahensya ang publiko sa mga recruitment package na nag-aalok ng libreng pamasahe patungong Singapore, Malaysia at Brunei ngunit walang malinaw na impormasyon tungkol sa trabaho o aktuwal na destinasyon.
Kabilang din sa mga dapat bantayan ang ilang kahina-hinalang alok sa entertainment industry na maaaring magamit sa human trafficking at iba pang ilegal na gawain.
Iginiit ni Cacdac na mahalagang tiyaking dumaan sa legal na recruitment at dokumentasyon ang overseas employment bago bumiyahe.
Pinayuhan ang mga aplikante na beripikahin muna sa DMW ang mga job offer at recruitment arrangement bago magbayad, pumirma ng kontrata o bumili ng tiket.
Maaaring makipag-ugnayan sa DMW sa 8722-1144 o 8722-1155, o bisitahin ang opisyal nitong website na www.dmw.gov.ph. Dave Medina