MANILA, Philippines – Lalong lumakas ang posisyon ng Pilipinas sa pandaigdigang komunidad matapos ang matagumpay na pagho-host ng 49th ASEAN Summit at pagbisita ni US President Donald Trump sa Maynila, ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.
Sinabi ni Zubiri na sinamantala ng Pilipinas ang pagkakataong mapagtuunan ng pansin ng mga lider ng mundo upang palakasin ang ugnayan sa kalakalan, pamumuhunan at seguridad.
“Manila had the world’s attention, and the Philippines made the moment count,” ani Zubiri.
Ayon sa senador, ipinakita ng ASEAN Summit ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na diplomasya at kooperasyon sa pagitan ng mga bansa sa rehiyon.
Kabilang sa mahahalagang nakamit ang mga kasunduan sa digital economic integration na inaasahang magbubukas ng karagdagang oportunidad para sa mga negosyo at magpapalakas sa ekonomiya ng mga kasaping bansa.
Binigyang-diin din ni Zubiri ang kahalagahan ng desisyon ni Trump na gawing unang destinasyon ng kanyang Asian tour ang Pilipinas.
Para sa senador, patunay ito ng lumalaking estratehiko at pang-ekonomiyang kahalagahan ng bansa sa Estados Unidos at sa rehiyon ng Indo-Pacific.
Aniya, pagkakataon ito upang higit pang palawakin ang kooperasyon ng dalawang bansa sa depensa, kalakalan, pamumuhunan at enerhiya.
Gayunman, iginiit ni Zubiri na ang tunay na sukatan ng tagumpay ng ASEAN Summit ay ang mga benepisyong mararamdaman ng ordinaryong Pilipino.
Kabilang dito ang mas maraming trabaho, mas magandang oportunidad sa negosyo at mas ligtas na karagatan para sa mga mangingisda.
Bilang chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, nanawagan din si Zubiri na ipagpatuloy ng Pilipinas ang pagsusulong ng pagkakaisa at katatagan sa ASEAN habang ipinagtatanggol ang soberanya, maritime rights at pambansang interes.
Pinuri rin ng senador si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Gabinete at mga kawani ng pamahalaan na nangasiwa sa paghahanda at matagumpay na pagdaraos ng summit.
Samantala, pormal nang ipinasa ng Pilipinas sa Singapore noong Nobyembre 17 ang ASEAN chairmanship, na epektibong pangangasiwaan ng Singapore simula Enero 1, 2027.
Umaasa si Zubiri na maipagpapatuloy ang mga kasunduan at partnership na nabuo sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas upang maghatid ng pangmatagalang benepisyo sa mga mamamayan.