Home NATIONWIDE Walang itatayong data center sa New Clark City — envoy

Walang itatayong data center sa New Clark City — envoy

1
0

MANILA, Philippines – Muling nilinaw ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babe” Romualdez na walang planong magtayo ng data centers sa New Clark City, Tarlac, sa ilalim ng US-led Pax Silica initiative.

Sinabi ni Romualdez na ang nakaplanong proyekto ay isang manufacturing hub na nakatuon sa pagproseso ng critical minerals at pagpapaunlad ng mga makabagong industriya.

“Wala naman pinag-uusapan na data center na igaganap diyan sa Pax Silica eh. So ‘yung Pax Silica is a manufacturing hub for critical minerals,” ani Romualdez.

Ayon sa embahador, mas tinutukoy na ngayon ang proyekto bilang development at manufacturing hub sa halip na Pax Silica, dahil maaari itong salihan hindi lamang ng mga kumpanyang Amerikano kundi maging ng iba pang dayuhang mamumuhunan.

Ipinaliwanag niya na kabilang sa mga maaaring iproseso sa pasilidad ang nickel, na karaniwang iniluluwas ng Pilipinas bilang hilaw na mineral sa mas mababang halaga.

Sa pamamagitan ng lokal na pagproseso, inaasahang maaaring madagdagan ang halaga ng mga mineral bago ito ibenta sa pandaigdigang merkado.

Sinabi rin ni Romualdez na batay sa kaniyang pakikipag-usap kay Finance Secretary Frederick Go, hindi kabilang sa plano ang pagtatayo ng data centers sa Clark.

Aniya, nakalaan ang lugar para sa manufacturing facilities at iba pang industriyang maaaring makatulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya.

Nauna nang kinuwestiyon ng ilang environmental groups, magsasaka at katutubong komunidad ang Pax Silica initiative dahil sa pangamba sa posibleng epekto nito sa kalikasan, lupang ninuno at kabuhayan.

Samantala, nilinaw na rin nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at US Ambassador to the Philippines Lee Lipton na walang nakatakdang paglagda sa kasunduan tungkol sa Pax Silica sa pagbisita ni US President Donald Trump sa bansa para sa ASEAN Summit.

Ang Pax Silica ay isang inisyatibang pinangungunahan ng Estados Unidos upang palakasin ang supply chains ng critical minerals at mga teknolohiyang ginagamit sa artificial intelligence at semiconductor manufacturing. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here