MANILA, Philippines – Suportado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang panawagan ng Council for the Welfare of Children (CWC) laban sa paggamit ng sexualized humor sangkot ang mga bata sa mga comedy set at online content.
Sa pahayag, tinukoy ng DSWD ang pinakahuling pahayag ng comedian na si JP Aguilera ng Pencilbox Comedy, na gumamit ng playground at kaugnayan nito sa mga bata bilang sexual reference.
“The DSWD stands firmly behind the CWC in reminding performers and content creators, and of course everyone, that children must never be reduced to punchlines or subjects of sexual insinuations,” sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao.
Ani Dumlao, bagamat pinahahalagahan ang creative expression, ang mga birong umaatake sa vulnerability ng mga menor de edad ay nagdudulot ng pag-normalize sa mga hindi nararapat na aksyon para sa kanila.
Tinukoy ng DSWD ang Section 4 (n) ng Republic Act (RA) No. 11930, o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act, na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-sexualize sa mga bata sa pagpresenta sa mga menor de edad bilang “objects of sexual fantasy” o paggamit sa mga bata sa conversational subjects ng sexual fantasies sa anumang online o digital platform.
Ayon sa ahensya, ang mga lalabag dito ay mahaharap sa parusang reclusion temporal sa maximum period nito at multang mula P800,000 hanggang P1 milyon.
“Hindi dapat ginagawang biro ang dignidad at kaligtasan ng mga bata dahil responsibilidad ng lahat na protektahan ang mga kabataan laban sa anumang uri ng pang-aabuso at pagsasamantala, lalo na sa social media at iba pang digital platforms,” sinabi ni Dumlao.
“Nananawagan ang DSWD sa mga nasa entertainment industry at content creation na maging responsable sa bawat materyal na inilalabas sa publiko dahil malaki ang epekto ng mga salita sa kung paano tinatrato ng lipunan ang mga bata,” dagdag pa niya. RNT/JGC