MANILA, Philippines – MAS bumigat ang kasong kakaharapin ng 32-anyos na kelot nang mabisto ang dalang ilegal na droga makaraang maaresto ng pulisya habang nagsusugal, kasama ng dalawang kelot sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Bukod sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-illegal Gambling Law) mahaharap din sa kasong paglabag sa R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang suspek na si alyas “John” ng Brgy. Bignay.
Sa ulat, dakong alas-9:20 ng gabi, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 7 nang maaktuhan nila ang tatlong indibidwal na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa Lot 17, Block 7, Phase 2-B, Point 8, Northville 1, Barangay Bignay.
Hindi na nakapalag si alyas John at dalawa niyang kalaro na 37-anyos na security guard at 34-anyos na construction worker nang lapitan nina PSSg Monib at Pat Tinte na nagpakilala bilang mga pulis bago sila inaresto.
Nasamsam sa kanila ang P430 bet money, pangara, coin purse at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,292 na nakuha umano kay alyas John.
Ayon kay Valenzuela Police Chief/Col. Joseph Talento, patuloy na pinaiigting ng Valenzuela City Police ang kampanya nito laban sa illegal na mga aktibidad, lalo na ang kalakalan sa ilegal na droga. Merly Duero