MANILA, Philippines – Inaasahan ng Commission on Elections (Comelec) ang karagdagang apat na milyong registered voters para sa 2028 national and local elections (NLE).
Ayon kay Comelec Chairman Erwin George Garcia, target ng komisyon ang tatlong milyon na magparehistro ngunit sa dami ng nagpaparehistro bawat araw ay maaaring aabutin pa ito ng apat na milyon.
Sa kasalukuyan nasa 140,000 hanggang 150,000 na ang nagparehistro simula nang muling ipagpatuloy ang voter registration noong Nobyembre 10 na tatakbo hanggang Hulyo 30, 2027.
Hinikayat ni Garcia ang mga karapat-dapat na mga botante na magparehistro nang maaga at samantalahin ang registration period kaysa maghintay na gawin ito nang last minute.
Tiniyak naman ni Garcia na itutuloy ang 2028 NLE at sinabi na imposibleng ipagpaliban ito dahil ito ay iniutos ng Saligang Batas.
Dagdag pa, ang paghahanda para sa 2028 elections ay nagpapatuloy at nakatakdang simulan ng Comelec ang procurement ng humigit-kumulang 135,000 vote-counting machines para sa 2028 polls.
Naglaan ng halos P23 bilyon para sa procurement ng marerentahan para sa 2028 polls. Jocelyn Tabangcura-Domenden