Navotas – Patay ang isang 27-anyos na lalaki matapos barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang suspek habang naniningil umano ng utang sa Tumana, Dagat-Dagatan, Navotas City, madaling araw nitong Huwebes, Nobyembre 19.
Dakong alas-3 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril habang nakikipag-usap ang biktima sa isang lalaki sa nasabing lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakipagkita umano ang biktima sa suspek upang singilin ito sa pagkakautang.
Habang nag-uusap, biglang bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan sa ulo ang biktima bago mabilis na tumakas.
Agad na nasawi ang biktima dahil sa tinamong tama ng bala.
Patuloy ang follow-up investigation ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan at maaresto ang suspek.
Inaalam din ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaslang. (Merly Duero)