Home METRO Tatakas na holdaper, kalaboso sa trapik sa Manda

Tatakas na holdaper, kalaboso sa trapik sa Manda

1
0

MANDALUYONG CITY, Philippines – Arestado ang isang lalaki matapos habulin ng mga pulis kasunod ng umano’y tangkang panghoholdap ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo nitong Linggo ng umaga.

Ayon sa Mandaluyong City Police Station, nilapitan ng 35-anyos na biktima ang isang pulis na nagsasagawa ng visibility patrol sa United Street at iniulat ang tangkang pagnanakaw sa kanya ng dalawang suspek na sakay ng itim na Yamaha Aerox 155.

Agad na isinakay ng pulis na nakatalaga sa Wack-Wack Police Sub-Station 3 ang biktima sa kanyang motorsiklo at hinabol ang mga suspek.

Dahil sa mabigat na trapiko sa Shaw Boulevard, naabutan ng mga pulis ang mga suspek sa tapat ng Wack-Wack Police Sub-Station 3, malapit sa kanto ng Sto. Cristo Street.

Bumaba at tumakbo patungong EDSA ang angkas, habang tinangka naman ng driver na itakbo ang motorsiklo sa bangketa sa harap ng himpilan. Gayunman, napigilan siya ng dalawang pulis na naabisuhan sa pamamagitan ng telepono.

Kinilala ng biktima ang naarestong lalaki bilang driver ng motorsiklong ginamit sa tangkang panghoholdap.

Narekober sa motorsiklo ang isang binurang marka na kalibre .38 revolver na may anim na bala. Nakuha rin sa bulsa ng suspek ang isang heat-sealed sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.10 gramo at nagkakahalaga ng P680.

Kabilang pa sa mga nakumpiska ang Joyride helmet, mga zip tie, pouch bag, photocopy ng mga dokumento ng sasakyan at tatlong plaka ng motorsiklo. Dalawa rito ay aluminum plates na may markang 802FLB at 139TDQ, habang ang isa ay acrylic plate na may markang 1303-0856599.

Residente ng Sta. Cruz, Maynila ang naarestong suspek, na nahaharap din umano sa mga nakabinbing kasong kriminal sa iba pang hurisdiksiyon, kabilang ang mga kasong saklaw ng Southern Police District.

Kasalukuyan siyang nakakulong sa custodial facility ng Mandaluyong City Police Station. Posible siyang sampahan ng mga kasong attempted robbery, illegal possession of drugs, illegal possession of firearms and ammunition, at paglabag sa Motorcycle Crime Prevention Act kaugnay ng umano’y paggamit o pagdadala ng mga pinalitan o nakaw na plaka ng motorsiklo.

Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang nakatakas na angkas.

“I commend the Mandaluyong police officers for their vigilance, swift response, and effective coordination. Their prompt action reflects our commitment to maintaining a strong police presence on the streets and responding rapidly to criminal activity, including incidents involving riding-in-tandem suspects,” pahayag ni Mandaluyong CPS chief Col. Rey G. Ochavo. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here