MANILA, Philippines – Nahuhuli na ang Pilipinas kumpara sa mga kalapit na bansa pagdating sa digitalization at pagpapaunlad ng mabilis at maaasahang internet access, ayon sa isang eksperto sa ekonomiya at financial market.
Sinabi ni Filipino economist at financial market analyst Prof. Astro Del Castillo na dapat suportahan ng pamahalaan ang pagpapaunlad ng digitalization sa bansa.
“Naiiwan na tayo ng ibang kalapit bansa natin pagdating sa digitalization” sabi ni Del Castillo.
Sa Quezon City Forum nitong Martes, Nobyembre 24, sinabi ni Del Castillo na sa ibang bansa ay sinisimulan nang turuan ang mga bata tungkol sa digitalization, paggamit ng computer at pag-access sa teknolohiya.
“Kailangan bata pa lamang i-educate na ng gobyerno ang mga bata para sa digitalization” dagdag pa ni Del Castillo.
Samantala, sinabi ni Ronald Gustilo ng Digital Pinoy na isa sa mga pangunahing problema kaugnay ng digital system sa bansa ang mataas na bilang ng mga kaso ng seksuwal na pang-aabuso sa mga bata.
Ayon kay Gustilo, kasabay ng pag-unlad ng digital system ang pagtaas ng mga kaso ng Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) at paggawa ng Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM), na pinalalala umano ng malawak na access sa internet, mobile devices at digital payment systems.
“Pangunahing problema ng bansa sa digital system ay ang mataas na antas ng sexual child abuse” sabi ni Gustilo.
Batay sa datos ng Commission on Human Rights (CHR) at Department of Justice (DOJ), umabot umano sa mahigit 2.7 milyon hanggang 2.8 milyon ang mga cyber tipline report kaugnay ng online child sexual abuse sa bansa nitong mga nakaraang taon.
Iminungkahi rin ni Gustilo na magpatupad ang pamahalaan ng mga hakbang sa cybersecurity upang maprotektahan ang publiko laban sa cyberattacks at mapigilan ang pagtaas ng mga kaso ng OSAEC at CSAEM. Santi Celario