Home NATIONWIDE Legalidad ng pag-aresto kay Digong, dapat pa rin suriin – mahistrado

Legalidad ng pag-aresto kay Digong, dapat pa rin suriin – mahistrado

2
0

MANILA, Philippines – Dapat pa ring suriin ng Korte Suprema ang legalidad ng pag-aresto at paglilipat kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC), ayon sa apat na mahistradong tumutol sa pagbasura sa mga petisyon para sa writ of habeas corpus.

Paliwanag ng mga mahistrado, mahalagang linawin ang mga isyung may kinalaman sa due process, kalayaan sa paglalakbay at mga karapatan ng taong nasa kustodiya upang maiwasang maulit ang ganitong sitwasyon sa iba.

Kabilang sa mga mahistradong tumutol sa pagbasura sa mga petisyon sina Justices Hernando, Lazaro-Javier, Inting at Kho Jr.

Sa madaling salita, tapos na ang usapin sa habeas corpus dahil wala na sa Pilipinas si Duterte, ngunit hindi pa nangangahulugang nalutas na rin ang tanong kung naaayon sa batas ang paraan ng kaniyang pag-aresto at paglilipat sa ICC.

Noong Marso 11, 2025, inaresto si Duterte pagdating niya mula Hong Kong batay sa warrant ng ICC kaugnay ng kasong crimes against humanity sa ilalim ng Rome Statute.

Kinagabihan, isinakay siya sa eroplano patungong The Hague, Netherlands. Kinabukasan, naghain ng magkakahiwalay na petisyon para sa writ of habeas corpus ang kaniyang mga anak na sina Sebastian, Veronica at Paolo Duterte.

Iginiit ng mga petitioner na hindi na maaaring ipatupad ang ICC warrant dahil kumalas na ang Pilipinas sa Rome Statute at nilabag umano sa pag-aresto ang Konstitusyon at mga batas ng bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here