MANILA, Philippines – Kinansela ng transport group na Samahang Manibela, Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (MANIBELA) nitong Miyerkules ang ikatlong araw ng nakatakda nitong protesta dahil sa masamang panahon.
Gayunman, sinabi ni MANIBELA national president Mar Valbuena na magpapatuloy ang kanilang tigil-pasada.
“Re-sched po namin ang protest malakas ang ulan pero tigil pasada padin kami,” ayon kay Valbuena.
Sinimulan ng grupo ang tigil-pasada at protesta noong Lunes kasunod ng pagbabago sa pamunuan ng Land Transportation Office (LTO).
Una nang sinabi ng MANIBELA na mas mabuting manatili sa puwesto si dating LTO chief Markus Lacanilao upang maipagpatuloy ang kaniyang nasimulan.
Noong Martes, itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Lacanilao bilang bagong administrator ng Maritime Industry Authority (MARINA). Papalitan naman siya ni Noreen Bernadette San Luis bilang hepe ng LTO. RNT/MDS