MANILA, Philippines – Tinatayang 9.8 milyong pamilyang Pilipino, o katumbas ng 37% ng mga respondent, ang nagsabing itinuturing nilang mahirap ang kanilang sarili sa ikatlong kuwarter ng 2026, batay sa pinakahuling survey ng OCTA Research.
Ayon sa OCTA, hindi nagkaroon ng makabuluhang pagbabago ang naturang bilang kumpara sa ikalawang kuwarter ng taon, kung kailan nasa 39% o humigit-kumulang 10.3 milyong pamilya ang nagsabing sila ay mahirap. Pasok pa rin ito sa ±3% margin of error ng survey.
Samantala, hindi naman matukoy ng 42% ng mga respondent kung sila ay mahirap o hindi, habang 21% naman ang nagsabing hindi nila itinuturing na mahirap ang kanilang sarili.
Ipinakita rin sa Tugon ng Masa non-commissioned survey na pinakamataas ang bilang ng mga pamilyang nagsasabing mahirap sila sa Mindanao, na umabot sa 56%.
Sinundan ito ng Visayas na may 49%, Balance Luzon o mga bahagi ng Luzon na hindi kabilang ang Metro Manila na may 26%, at National Capital Region (NCR) na may 20%.
Batay naman sa antas ng pamumuhay, 52% ng mga kabilang sa Class E ang nagsabing itinuturing nilang mahirap ang kanilang sarili. Sa Class D, 38% ang nagsabing mahirap sila, habang 17% naman sa Class ABC ang may parehong pananaw.
Ayon sa OCTA Research, “Sa mga pamilyang nagsabing sila ay mahirap, ang median o panggitnang halaga ng buwanang gastusin ng sambahayan ay P18,000, habang ang karagdagang halagang kulang sa kanilang badyet ay P5,000. Ang mga halagang ito ay batay sa sariling pagtataya ng mga respondent at hindi opisyal na sukatan ng poverty line.”
Samantala, 22% o humigit-kumulang 5.8 milyong pamilya ang nagsabing nakaranas sila ng hindi kusang pagkagutom o kawalan ng makain kahit isang beses sa loob ng tatlong buwang sinusundan ng survey sa ikatlong kuwarter ng taon.
Ayon sa OCTA, hindi rin ito nagpapakita ng makabuluhang pagbabago kumpara sa 21% o 5.6 milyong pamilyang naitala noong ikalawang kuwarter.
Sa kabilang banda, 78% naman ang nagsabing hindi sila nakaranas ng gutom kahit minsan sa nakalipas na tatlong buwan.
Ayon pa sa OCTA, “Sa mga pamilyang nakaranas ng gutom, humigit-kumulang 83% ang nagsabing nangyari ito nang isang beses lamang o ilang beses.”
Sa mga rehiyon, pinakamataas ang naitalang insidente ng gutom sa National Capital Region at Visayas, na kapwa nagtala ng 29%.
Samantala, halos kalahati o 49% ng mga respondent na kabilang sa Class E ang nagsabing nakaranas sila ng gutom.
Hindi rin nagkaroon ng makabuluhang pagbabago sa bilang ng mga pamilyang itinuturing na sila ay salat sa pagkain o food-poor sa ikatlong kuwarter. Nasa 27% o humigit-kumulang 7.1 milyong pamilya ang naitala.
Noong ikalawang kuwarter, nasa 28% o 7.4 milyong pamilya ang nagsabing sila ay salat sa pagkain.
Ayon sa OCTA, “Samantala, tumaas mula 27% patungong 33% ang bahagdan ng mga pamilyang nagsabing hindi sila salat sa pagkain, habang bumaba naman mula 45% patungong 40% ang mga hindi makapagpasya.”
Ipinaliwanag din ng OCTA na ang food poverty ay tumutukoy sa kalagayan kung saan nahihirapan ang mga indibidwal at pamilya na makakuha ng sapat at masustansiyang pagkain.
Batay sa survey, 54% ng mga respondent sa Mindanao ang nagsabing itinuturing nilang salat sa pagkain ang kanilang pamilya.
Sinundan ito ng Visayas na may 35%, Balance Luzon na may 16%, at NCR na may 10%.
Ayon sa OCTA, batay sa socioeconomic class, 34% ng mga pamilyang kabilang sa Class E ang nagsabing sila ay salat sa pagkain. Nasa 30% naman sa Class D, habang 6% lamang sa Class ABC.
Isinagawa ang survey mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 4 sa pamamagitan ng harapang panayam sa 1,200 lalaki at babaeng nasa hustong gulang.
Mayroon itong margin of error na ±3% sa 95% confidence level.
Ayon sa OCTA, ang mga pagtataya sa bawat rehiyon ay may sumusunod na margin of error sa 95% confidence level: ±6% para sa NCR, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao. (KRIS JOSE)