KINUWESTIYON ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang umano’y pagtatangka ng ilang kongresista na alisin ang probisyong nagbabawal sa politikal na panghihimasok sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng panukalang 2027 national budget.
Ayon kay Lacson, maaaring magbukas ito ng pagkakataon para muling magamit sa pamumulitika ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa pagtalakay sa panukalang 2027 budget ng DSWD nitong Miyerkules, Nobyembre 25, kinuwestiyon ng senador kung talagang nasa kamay ng ahensiya ang buong kapangyarihan sa pagpapasya kung sino ang makatatanggap ng tulong pinansiyal.
Sinabi ni Sen. Risa Hontiveros, sponsor ng panukalang badyet ng DSWD, na ang departamento ang may kontrol sa mga desisyon kaugnay ng AICS.
Gayunman, hindi ito pinaniwalaan ni Lacson at iginiit na kaya umano ipinaglalaban ng ilang kongresista ang pagpapatuloy ng programa ay dahil nais nilang alisin ang probisyong nagbabawal sa mga politikong makialam sa pamamahagi ng ayuda.
Ayon sa senador, nais umano ng ilang mambabatas na tanggalin ang naturang anti-epal provision bago ang bicameral conference committee deliberations.
Pabor naman si Hontiveros sa pagsusulong ni Lacson ng mga hakbang, sa pamamagitan ng mga probisyon sa badyet at panukalang batas, upang mabawasan at tuluyang matigil ang politikal na panghihimasok sa mga programa ng pamahalaan.
Samantala, nais ni Lacson na mailipat ang P48.14 bilyong bahagi ng AICS mula sa discretionary assistance tungo sa mga umiiral at institusyonalisadong programa ng DSWD o sa Universal Health Care Program.
Ayon sa senador, mas makabubuting ilaan ang pondo sa mga programang may malinaw na pamantayan at sistematikong pagsusuri sa mga benepisyaryo kaysa sa sistemang nakadepende sa kakayahan ng isang tao na lumapit sa mga politiko.
Binanggit din niya ang mga dating salaysay ng ilang senador tungkol sa mga indibidwal na nakikitang nakapila para tumanggap ng ayuda habang nakasuot umano ng mamahaling hikaw, na nagdulot ng pagdududa kung tunay na nangangailangan ang lahat ng benepisyaryo.
Kinuwestiyon din ni Lacson ang probisyon sa bersiyon ng Kamara ng 2027 budget na nagpapahintulot sa pagbabayad ng mga hindi pa nababayarang obligasyon sa mga accredited service provider ng DSWD mula sa mga guarantee letter na inilabas noong 2024.
Ayon sa senador, naglaan ang 2024 General Appropriations Act ng P34.269 bilyon para sa AICS at iniulat na ganap nang naobliga ang naturang pondo.
Dahil dito, hiniling niyang ipaliwanag ng DSWD kung bakit may mga guarantee letter na inilabas nang walang sapat na pondong nakalaan ngunit sisingilin pa sa 2027 budget.
Samantala, hiniling din ni Lacson na papanagutin ang mga lokal na opisyal na umano’y humihingi ng bahagi sa ayudang natatanggap ng mga benepisyaryo.
Ayon kay Hontiveros, nakatanggap sila ng mga ulat na may ilang opisyal ng barangay na lumalapit at nanggigipit sa mga benepisyaryo upang hingan ng parte ng kanilang natanggap na tulong.
Sinabi rin ng senadora na naghain na ang DSWD ng mga kasong administratibo at kriminal laban sa mga sangkot na opisyal, na nakabinbin pa sa kasalukuyan.
Iginiit naman ni Lacson na dapat mapabilis ang pag-usad ng mga kaso dahil hindi lamang simpleng paglabag sa tungkulin ang umano’y paniningil ng bahagi ng ayuda kundi maaari ring pumasok sa kasong robbery o pagnanakaw. RNT