MANILA, Philippines – Iniutos ng Third Division ng Sandiganbayan sa National Bureau of Investigation (NBI) na iharap sa korte si Felicito Guevarra, kapwa akusado ni dating House Speaker Martin Romualdez sa P7.4-bilyong plunder case, sa Disyembre 4 para sa kanyang arraignment.
Ayon kay Clerk of Court Dennis Pulma, nilagdaan nitong Huwebes, Nobyembre 26, ang kautusang nag-aatas sa NBI na dalhin si Guevarra sa korte.
“May produce order for the NBI to bring Guevarra on Friday to coincide sa last day ng bail hearing,” ani Pulma.
Sumuko si Guevarra sa NBI noong nakaraang Huwebes matapos hilingin ng mga piskal ng pamahalaan na kanselahin ang kanyang pasaporte. Siya ang presidente ng Samchan Foreign Exchange Corporation, na umano’y ginamit sa pagpapadaan ng kickback para kay Romualdez.
Kasalukuyang nakakulong si Guevarra sa NBI Detention Facility.
Orihinal na nakatakda sa Nobyembre 27 ang arraignment ni Guevarra, ngunit inilipat ito sa Disyembre 4, kasabay ng huling araw ng bail hearing ni Romualdez sa plunder case.
Nauna nang hiniling ng mga piskal na alisin si Guevarra sa kaso at payagan silang palitan ito ni dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan bilang testigo sa bail hearing ni Romualdez.
Nahaharap si Romualdez sa alegasyong tumanggap ng P7.44 bilyong kickback mula sa mga proyekto sa imprastraktura ng pamahalaan mula 2022 hanggang 2025.
Nilinaw naman ni Pulma na wala pang inilalabas na resolusyon ang Sandiganbayan kaugnay ng mga mosyon ng mga piskal. RNT/MDS